Iligal na pagbabakod sa inaagaw na lupa sa Quezon City, napigilan

, ,
Ang artikulong ito ay may salin sa English

Napalayas ng mga residente ng King Christian Street sa Barangay Bagbag, Novaliches, Quezon City ang mga tauhan ni Roberto Collantes na nagpunta sa komunidad noong Hulyo 1 para agawin ang lupa ng mga residente. Napigilan nila ang tangkang pagbabakod matapos mapatunayang peke ang mga dokumento at permit ni Collantes para rito.

Sa permit, nakalagay na pinahihintulutang bakuran ang King Henry Street sa halip na King Christian Street. Ang kopya ng Barangay Construction Clearance na ipinakita ng kampo ni Collantes ay hindi rin valid dahil wala ang upisyal na tatak ng barangay.

Matapos mapigilan ang pagbabakod, nagtulung-tulong ang mga residente sa pangunguna ng kababaihan sa komunidad na tabunan ang hinukay na lupa ng mga tauhan ni Collantes na sanang pagtatayuan ng bakod.

Kinundena rin nila ang pagtatanggal sa tindahan ng prutas at paggiba sa mga pwesto sa tapat ng King Christian Street na pangunahing ikinabubuhay ng mga residente. Kasabay nito, iginiit muli ng mga residente na itigil na ang demolisyon sa kanilang komunidad.

Ayon sa mga residente, nagpapatuloy ang demolisyon sa lugar at ang paggamit ng backhoe kahit na maliliit lang ang mga kabahayan na gigibain nito. Naniniwala sila na ginagamit lang ang backoe para sindakin at takutin ang mga residente.

Higit 50 indibidwal ang maapektuhan ng demolisyon at pang-aagaw sa lupa ni Collantes na nagsimula noong ikalawang linggo ng Hunyo. Halos dalawang dekada nang naninirahan ang mga residente sa lugar. Noong 2019, nagpakilala si Collantes sa mga residente at sinabing nabili niya ang lupang kinatitirikan ng mga bahay doon.

AB: Iligal na pagbabakod sa inaagaw na lupa sa Quezon City, napigilan