Balita

2 kabataang organisador sa Isabela, dinukot ng mga pwersa ng estado

,

Kinundena ng mga grupo sa karapatang-tao sa Cagayan Valley ang pagdukot ng mga pwersa ng estado sa dalawang kabataang organisador sa bayan ng San Pablo, Isabela noong Setyembre 11. Ang mga biktimang sina Vladimir Maro at Andy Magno ay hindi pa rin inililitaw ng mga tauhan ng rehimeng Marcos hanggang sa kasalukuyan.

Si Maro ay organisador ng Migrante Youth at tagataguyod ng karapatan ng manggagawang migrante. Si Magno naman ay naging bahagi ng Minggan-University of the Philippines (UP) Manila, isang organisasyong nagtataguydo sa kalikasan at nagtapos siya ng kursong Development Studies sa UP Manila.

“Mahigpit na kinukundena ng Karapatan Cagayan Valley at mga alyado nitong organisasyon ang nagpapatuloy na pagdukot sa mga aktibista at organisador sa buong bansa. Nananawagan kami sa mga awtoridad na ilitaw [sila],” pahayag ng grupo.

Hinikayat din ng grupo ang publiko na tumulong sa kampanya para kagyat na ilitaw sina Maro at Magno, at ang lahat ng mga desparesidos. Anang Karapatan-Cagayan Valley, dapat mapanagot ang mga sangkot sa karumal-dumal na krimen ng pagdesaparesido.

Sa ilalim ng rehimeng Marcos, naitala ng Ang Bayan ang 155 biktima ng pagdukot. Kabilang dito ang hindi bababa sa tatlong indibidwal na dinukot ng mga pwersa ng estado at dinesaparesido noong huling linggo lamang ng Agosto.

Sa mga ito, hindi bababa sa 45 ang desaparesido at di pa rin natatagpuan. Samantala, 32 sa mga dinukot ang pinaslang, 29 ang ikinulong, 10 ang pinalalabas na “sumurender,” at 39 ang inilitaw ngunit patuloy na ginigipit ng estado. Sampu sa mga biktima ay mga bata na ginawang “hostage” ng militar.

AB: 2 kabataang organisador sa Isabela, dinukot ng mga pwersa ng estado