Krisis sa basura sa Davao City, nagpatampok sa kawalan ng maayos na plano ng lokal na gubyerno
Tumampok kamakailan ang matinding problema sa basura sa Davao City matapos ang trahedya ng pagguho ng sanitary landfill sa Purok 8, Barangay New Carmen, Tugbok District noong Mayo 20. Naganap ang pagguho matapos ang tuluy-tuloy na pag-ulan na nagdulot din ng matinding pagbaha sa syudad. Isang residente ang namatay at 15 bahay ang natabuhan. Hindi bababa sa 123 pamilya ang napilitang magbakwit dahil dito.
Matagal nang babala ng mga grupong maka-kalikasan na lampas-lampas na sa kapasidad ang New Carmen Landfill at na dapat na itong isara. Matapos ang insidente, isinuspendi ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang operasyon ng landfill upang diumano’y bigyang-daan ang “stabilization measures” at masiguro ang pagsunod sa tamang segregasyon at pagpoproseso ng basura.
Habang nakasara ang landfill, nagtambak sa mga kalsada at komunidad ang mga basura na tinatayang nasa 750 tonelada kada araw.
Dahil dito, umani ng puna ang lokal na pamahalaan ng Davao City. Ayon sa ng grupong Interfacing Development Interventions for Sustainability (IDIS), sa kabila ng paulit-ulit na mga babala, mahina ang pagpapatupad ng segregation sa syudad. Ayon sa grupo, sa 182 barangay sa Davao, 53 lamang ang may Material Recovery Facilities. Ang malala, marami sa mga ito ay itinayo para masabi lamang na sumusunod sa batas at hindi naman gumagana. Wala ring sapat na suporta ang lokal na gubyerno sa mga manggagawang nasa koleksyon at pagpuproseso ng basura.
Bilang reaksyon, noong Hunyo 5, iniutos ng mayor ng syudad na si Baste Duterte na itambak ang mga basura ng lungsod sa tapat ng upisina ng DENR Region XI. Ito ay para pwersahin ang ahensya na buksan ang landfill kahit hindi pa tiyak na ligtas ito. Marami sa mga netizen ang nagulat sa aksyon, na anila’y isang porma ng “trolling,” at pamimilit (bullying) at asal-bata (childish). Ayon sa mga ulat, ang hakbang ni Duterte ay “pangho-hostage” sa kalinisan ng publiko para lamang sa “makaganti” sa DENR sa halip na ayusin ang problema sa sistema na bumabagabag sa syudad.
Sa ngayon, minamadali ni Duterte ang pagbubukas ng 9-ektaryang sanitary landfill na nagkakahalaga ng ₱559 milyon sa tabi mismo ng gumuhong site. Ayon sa IDIS, hindi sasapat ang landfill na ito kung hindi mababawasan ang bolyum ng basura na pinoprodyus ng syudad araw-araw.
Patuloy ding binabatikos ng IDIS ang planong pagtatayo ng plantang waste-to-energy sa Biao Escuela gamit ang ₱5 bilyong utang mula sa Japan. Ayon sa grupo, ang ganitong planta ay may dalang masasamang epekto sa kalusugan at kapaligiran bunga ng teknolohiyang pagsunog (incineration). Bukod dito, lubha itong ng mahal at nakaasa sa utang.