2 lider-estudyante ng UP Cebu, umatras sa kandidatura dahil sa Red-tagging
Dalawang lider-estudyante ng Nagkahiusang Kusog sa Estudyante (NKE) sa University of the Philippines (UP) Cebu ang umatras sa kandidatura para sa eleksyon ng konseho ng mag-aaral sa kampus noong nakaraang linggo dahil sa matinding Red-tagging. Naging target sila at ang NKE UP Cebu ng Red-tagging ng mga pwersa ng estado kasunod ng pagkamartir ng kanilang alumni na si Dee Supelanas (Ka Dahlia), isang Pulang mandirigma.
Si Supelanas ay kabilang sa binansagang Kabankalan 7 na namartir sa overkill na operasyon ng Armed Forces of the Philippines (AFP) noong Abril 27 ng umaga sa Barangay Tapi, Kabankalan City, Negros Occidental.
Bago nagsilbi bilang Pulang mandirigma, si Suplenas ay lider-estudyante ng NKE UP Cebu. Pinamunuan niya ang mga kampanya para sa edukasyon, serbisyog panlipunan, demokratikong karapatan at paglaban sa tiraniya at pasismo. Nagsilbi siyang lider ng konseho ng mag-aaral ng UP Cebu, naging koordineytor ng National Union of Students of the Philippines-Cebu at nagsilbing pangkalahatang kalihim para sa kasapian ng KASAMA sa UP. Naging nominado rin siya para maging ika-38 UP Student Regent.
Ayon sa NKE UP Cebu, matinding takot ang dinanas ng dalawang kandidato at ng kanilang mga pamilya matapos ilabas sa social media ang isang post na mayroong pangalan at larawan ng mga kandidato na idinadawit sa armadong rebolusyonaryong kilusan. Inamin ng partido na hindi naging madali ang kanilang desisyon pero nirerespeto at nauunawaan nila ang damdamin ng dalawa.
“Walang tigil ang AFP at PNP sa kanilang mga pag-atake sa mga progresibong indibidwal, mga samahan, organisasyon, at institusyon,” ayon sa partido. Anito, sa balangkas ng militarisasyon at Red-tagging ay binabakbak ng mga pwersa ng estado ang akademikong kalayaan at tinatanggalan ng espasyo ang kabatan na kritikal na mag-isip at mag-organisa.
Pagdidiin ng partido, dapat patuloy na batikusin ng mga estudyante at ng administrasyon ng UP Cebu ang mga pag-atakeng ito at panagutin ang mga nasa likod ng panggigipit. Kaugnay nito, pormal na nasumite noong Mayo 8 ang NKE UP Cebu ng sulat sa Student Electoral Board (SEB) ng UP Cebu kaugnay ng dinanas nilang Red-tagging sa kampanya.
“Hindi dapat isantabi ang Red-tagging sa mga lider estudyante. Dito nagsisimula ang mas matitindi pang porma ng panunupil na dapat nating kolektibong labanan,” pahayag ng partido. Hiling nila sa SEB na imbestigahan at kaagad aksyunan ang Red-tagging, iulat ang kaso sa kinauukulang mga upisyal ng UP Cebu at maglabas ng pahayag ng pagkundena sa Red-tagging.
Ang Red-tagging at katulad na mga taktika ng AFP at National Task Force-Elcac ay nagmula at nakabalangkas sa doktrinang “countering violent extremism” (CVE o “paglaban sa marahas na ekstremismo”) ng US. Tinataguriang “ekstremismo” o mga “sukdulang ideolohiya” ang anumang ideya na itinuturing na “banta” sa naghaharing sistema. Ipinantatabing ang CVE sa pagsupil sa lahat ng anyo ng pagpapahayag at paglaban sa estado.