Balita

2 tagapagtaguyod ng karapatang Lumad, nakalaya sa halos 4 taong pagkakakulong

,

Ikinalugod at sinalubong ng Katribu Kalipunan ng Katutubong Mamamayan ng Pilipinas ang paglaya mula sa halos apat na taong pagkakakulong ng mga tagapagtaguyod ng karapatan ng mga Lumad na sina Julieta Gomez at Niezel Velasco. Napawalang-sala ang dalawa sa kasong illegal possession of firearms and explosives na isinampa sa kanila ng estado noong unang linggo ng Abril.

Si Gomez ay isang Manobo mula sa San Luis, Agusan del Sur. Kagawad siya ng konseho ng Kahugpungan sa mga Lumadnong Organisasyon sa Caraga. Si Velasco naman ay koordineytor ng Bread for Emergency and Development, isang institusyon na aktibo sa pagbibigay ng ayuda at tulong sa mga biktima ng sakuna sa Caraga.

Ang dalawa ay inaresto ng mga pulis at elemento ng 4th ID noong Hulyo 16, 2021 sa Barangay Pansol, Quezon City. Ayon sa ulat, inaresto sila batay sa mandamyento de aresto na inilabas ng isang korte sa Mindanao. Kasabay nito, sinasabi ng mga pwersa ng estado na nakita sa kanilang bahay ang mga armas at pampasabog na pinagmulan ng kasong illegal possession of firearms and explosives.

Sa desisyon ng korte noong Abril 4, sinabi nitong hindi aksidente at sinasadya ang pagkakadisubre ng mga pulis sa naturang armas. Sa pagsilbi ng mandamyento de aresto, sinabi ng korte na mayroon nang intensyon ang mga pulis at militar na magsagawa ng paghahalughog, bagay na labag sa konstityusyunal na karapatan ng mga biktima.

“Hindi nakumbinsi ng naratibo ng mga pulis ang Korte, at bistadong-bistado ang kanilang kasinungalingan,” ayon sa komentaryo ni Atty. Ephraim Cortez, presidente ng National Union of People’s Lawyers (NUPL), hinggil sa desisyon. “Palagay ng Korte na ginamit lamang ng mga pulis ang doktrinang plain view bilang maluwag na palusot para gawing lehitimo ang iligal na paghahalughog,” ayon pa sa abugado.

Nanawagan ng pananagutan si Beverly Longid, pambansang koordineytor ng Katribu, sa mga sangkot sa pag-aresto at ilang taon na hindi makatarungang pagkulong sa mga biktima. “Sa kabila ng pagwawalang-sala sa kanila, hindi pa napapanagot ang mga pulis at pekeng saksi sa kanilang maling pag-aresto at detensyon. Nananatiling mailap ang hustisya hangga’t umiiral ang kawalang pananagutan,” ayon kay Longid.

Dagdag pa ng lider-katutubo, nangayari ang pag-aresto at pinatagal na detensyon kina Gomez at Velasco sa ilalim ng administrasyong Duterte, na kinatampukan ng pinatinding panunupil ng estado laban sa mga katutubong mamamayan at kanilang tagapagtanggol.

Ayon sa Katribu, hindi nalupig ng apat na taong pagkakapiit ang diwa nina Gomez at Velaso. Nagpahayag ang dalawa ng kahandaang ipagpatuloy ang kanilang pakikibaka para sa karapatan ng mga Lumad at pambansang minorya. Kinilala ng grupo ang kanilang katapangan bilang “makapangyarihang paalala” na hindi mapatatahimik ng panunupil ang panawagan ng mamamayan.

AB: 2 tagapagtaguyod ng karapatang Lumad, nakalaya sa halos 4 taong pagkakakulong