27 bahay ng magsasaka sa Bukidnon, dinemolis ng pulis at militar

,

Sa atas ng mangangamkam ng lupa, dinemolis ng mga sundalo ng 88th IB at ng lokal na pulis ang 27 kabahayan, sa P4, Barangay Guinuyuran, Valencia City, Bukidnon noong Setyembre 26. Ang 69-ektaryang lupang inaagaw ni Dr. Roperto Kisteria simula pa 2016 ay pag-aari ng 26 na magsasakang mayroong hawak na papeles.

Ayon sa pamilya ng mga magsasaka, simula pa dekada 1980 ay naninirahan na sila sa lupa at tinataniman nila ito ng mga prutas, saging, gabi, mais at iba pa. Nag-umpisa ang panghihimasok ni Kisteria nang pinalagyan nito ng bakod ang 50 ektaryang lupa para sa isang rantso noong 2008. Sinimulan niya rin umano itong taniman ng goma at ipinakain sa mga baka ang pananim ng mga magsasaka.

Pagsapit ng 2016, lumaban ang mga magsasaka at nabawi ang kanilang lupa at nakapagtanim ulit dito. Sa kabila nito, nakipagsabwatan ang mangangamkam ng lupa sa lokal na gubyerno at korte na nag-utos sa pagdemolis sa mga kabahayan sa lugar. Napigilan ito ng mga residente sa panahong iyon.

Noong Setyembre, muling pinaarangkada ni Kisteria ang pang-aagaw ng lupa. Napag-alaman ng mga magsasaka na 2017 pa lamang ay may kasunduan na si Kisteria at ang dating gubernador at ngayo’y kinatawan ng ikatlong distrito ng Bukidnon na si Jose Maria Zubiri Jr para angkinin ang lupa at papasukin ang mga plantasyon ng pinya at saging dito.

Araw-gabing binabantayan ng mga maton na armado ng matataas na kalibreng armas ang lupa. Binakuran at ninanakaw din ng mga maton ang pananim ng mga magsasaka sa lugar.

Dulot ng demolisyon, nabubuhay na lamang ang mga magsasaka sa arawang trabaho at tumatanggap ng ₱250 na sahod.

Samantala, walang-tugon ang lokal na gubyerno ng Valencia City sa pangangalampag ng mga magsasaka sa kanilang upisina. Pinatuloy lamang ang nawalan ng tirahan sa gym nito nang dalawang linggo at binigyan ng ilang kilong bigas at lata ng sardinas.

Matapos nito, pinalayas na rin ang mga magsasaka sa gym. Ang tanging ibinigay ng lokal na gubyerno ay payo na maghintay ang mga magsasaka sa desisyon ng Department of Agrarian Reform at Department of Environment and Natural Resources.

AB: 27 bahay ng magsasaka sa Bukidnon, dinemolis ng pulis at militar