2,810 magtutubo sa Batangas, naigiit ang tulong pampinansya
Natanggap noong Agosto 1 ng 2,810 magtutubo ng Batangas ang higit isang taon nang iginigiit na tulong pinansya para sa mgas naapektuhan ng pagsasara ng Central Azucarera de Don Pedro (CADPI). Ang mga nakatanggap ng ₱10,000 tulong ay kabilang sa ikatlo at ilang mula sa ikaapat na bats ng mga nagsumite ng dokumento sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) para sa AKAP o Ayuda sa Kapos ang Kita Program.
Isinagawa ang pamamahagi ng tulong pinansyal sa mga bayan ng Tuy, Balayan at Lemery.
Sa Balayan, ibinahagi ng koordineytor ng SUGAR sa bayan na si Francis Nalog ang pinagdaanan nila para maisakatuparan ang pamamahagi ng ayuda. Dumalo sa pagtitipon ang pangkalahatang kalihim ng Amihan na si Cathy Estavillo at nagtalakay ng pambansang kalagayan ng mga magbubukid sa mga magsasaka sa tubuhan at manggagawang agrikultural.
Sa Tuy, pinangunahan ni Charlie Lopez ng Calaca ang naging talakayan. Pumunta sa pulong si Sarah Elago mula sa Gabriela Women’s Party para magpahayag ng pakikiisa.
Samantala, dismayado ang SUGAR-Batangas dahil hindi nakatanggap ng tulong ang mga kasapi ng 4Ps ng gubyerno at mga senior citizen na tumatanggap na ng social pension. Nangako ang grupo na hindi hihinto sa paggigiit para makatanggap din nila ang ayuda
Ipinangako din ng Social Welfare and Development-Batangas sa SUGAR-Batangas na idudulog nila ito sa pamunuan ng DSWD. Nakatuwang ng SUGAR-Batangas at mga magbubukid ang mga lokal na upisyal ng gubyerno sa pamamahagi ng naantalang ayuda.
Ang kampanya para sa ayuda ay pinangunahan ng SUGAR-Batangas at Unyon ng mga Manggagawa sa Agrikultura (UMA Pilipinas) sa pakikipag-ugnayan kay Gabriela Women’s Party Representative at kandidato sa pagkasenador ng Koalisyong Makabayan na si Arlene Brosas.
Naging susi si Rep. Brosas sa pagtutulak na maipamahagi ang tulong kasunod ng paghahain nila ng resolusyon sa Kongreso noong Pebrero 2023 para imbestigahan ang pagsasara ng CADPI at mga apektadong magtutubo. Nagsara ang asukarera noong Disyembre 2022.
Tinatayang 12,000 manggagawang bukid at mahigit 7,000 maliliit na plantador ang nawalan ng kabuhayan dahil sa pagsasara ng CADPI. Lubhang naapektuhan nito ang mga plantador sa Batangas dahil 4,500 metriko toneladang asukal lamang kada araw ang kayang gilingin ng nalalabing sugar mill sa prubinsya kumpara sa kapasidad ng CADPI na 12,000 metriko tonelada kada araw. Sa taya noong 2020, sa CADPI ipinapasok ang inaaning tubo mula sa 10,980 ektarya sa prubinsya.
Ayon sa SUGAR-Batangas, mayroon pang aabot sa 7,000 magtutubo ang hindi pa nakatatanggap ng tulong pampinansya. Noong Hulyo 10, umabot sa 3,000 magbubukid ang nagrali sa Batangas City para igiit ang pamamahagi ng ayuda na nakalaan para sa kanila. Resulta ng pagkilos, tinanggap ng DSWD ang mga papeles ng mga magbubukid at nangakong ipoproseso na ang ika-5 bats.