Balita

3-araw na fishing ban sa Zambales dahil sa Balikatan, kinundena

Kinundena ng Pambansang Lakas ng Kilusang Mamamalakaya ng Pilipinas (Pamalakaya) ang ipinataw na tatlong araw na no-sail zone sa Zambales para bigyan-daan ang Balikatan 2025. Pinagbawalan ang mga mangingisda sa mga bayan ng San Antonio, San Narciso, San Felipe, Cabangan, Botolan at Subic na makapalaot at makapaghanap-buhay mula Abril 25 hanggang Abril 27.

Ayon sa grupo, hindi katanggap-tanggap na pinahinto ng rehimeng Marcos sa paghahanap-buhay ang mga Pilipino para lamang bigyan ng seguridad ang mga dayuhang pwersang militar na naglulunsad ng war games sa prubinsya. Dagdag pa rito, isinasapanganib ng live fire exercises ang buhay, kabuhayan at kaligtasan ng mga komunidad sa nabanggit na mga lugar.

Ayon kay Ronnel Arambulo, kagaya ito noong nakaraang taon kung saan idineklara ring no-sail zone ang pangisdaan sa ilang bayan sa Zambales para lamang sa ehersisyong militar ng Pilipinas at U.S.

“Itinaon pa talaga ito sa panahon na masagana ang huling isda,” ayon kay Arambulo, ikalawang tagapangulo ng Pamalakaya at kandidato sa pagkasenador ng Koalisyong Makabayan. Wala ring walang isinagawang konsultasyon sa lokal na mga mangingisda bago ipinataw ang fishing ban, aniya.

“Kaya ano ang ipinagkaiba ng U.S. sa China sa usapin ng pamemerwisyo sa kabuhayan ng mga Pilipinong mangingisda?” aniya. Pinatutungkulan dito ni Arambulo ang iniuulat na presensya ng mga malalaking barko ng China sa West Philippine Sea na sinasabi ng rehimeng Marcos at Armed Forces of the Philippines (AFP) na lumalapastangan sa karapatan ng mga mangingisda at karapatan sa exclusive economic zone ng Pilipinas.

Mas masaklaw ang presensya ng US soberanong kalupaan, himpapawid at karagatan ng Pilipinas. Naglipana ang mga tropang Amerikano sa iba’t ibang bahagi ng bansa. Kaugnay ng Balikatan, inilunsad ang Combined Joint Logistics Over-the-Shore (Aurora), Command-and-Control Exercise (Quezon City), Multilateral Maritime Exercise (South China Sea), Salaknib (Nueva Ecija), Cope Thunder (Pampanga) at Marex (Cotabato City).

Naiulat rin ang tahasang paglahok ng tropang Amerikano sa operasyong kombat ng Armed Forces of the Philippines sa Aurora at Quezon. Dagdag sa mga ito ang mga pakitang-taong operasyong sibil-militar, tulad ng mga serbisyong dental ng US Navy, sa mga sibilyang komunidad sa Palawan at Mindanao.

Ang Balikatan war games ay tatagal hanggang Mayo 9. Lumalahok dito ang nasa 16,000 sundalo ng Pilipinas, US, Japan, Australia at United Kingdom. Nagsisilbi ring tagamasid sa war games ang mga upisyal militar ng marami pang mga bansang alyado ng US at NATO.

Ayon sa Pamalakaya, patuloy itong nakikipag-ugnayan sa kanilang balangay at mga kasapi sa Zambales para bantayan at tasahin ang epekto ng Balikatan at pagbabawal na pumalaot sa kabuhayan ng mga mangingisda at residente.

AB: 3-araw na fishing ban sa Zambales dahil sa Balikatan, kinundena