3-araw na tigil-pasada kontra korapsyon, umarangkada na
Sinimulan ngayong Setyembre 17 ng Manibela (Samahang Manibela Mananakay at Nagkaisang Terminal ng Transportasyon) ang 3-araw na tigil-pasada kontra korapsyon na tatagal hanggang Setyembre 19. Bukas, Setyembre 18, ikakasa naman ng mga myembro ng Piston (Pagkakaisa ng mga Samahan ng Tsuper at Operator Nationwide) ang kanilang tigil-pasada sa buong bansa.
Ang pagkilos ng Manibela ay bahagi ng pagkundena sa malawakang korapsyon sa ilalim ng rehimeng Marcos, sa partikular kaugnay sa maanomalyang mga proyektong flood control. Panawagan ng grupo, “tama na, sobra na, labanan ang korapsyon”
Ayon kay Mar Valbuena, tagapangulo ng grupo, dismayado ang mga tsuper, opereytor at iba pang nasa sektor ng transporasyon dahil napakalaki ng binabayaran nilang buwis sa araw-araw sa pamamagitan ng excise tax at iba pang buwis, na kinukulimbat lang pala ng mga pulitiko. “Napupunta lang pala ito sa luho ng mga anak ng pulitiko!” aniya.
Pahayag pa ni Valbena, hindi na tama na ang taumbayan pa ang nagpapalamon at pumopondo sa karangyaan ng mga nasa gubyerno, samantalang ang mga masang tsuper ay halos magdamag na kung bumiyahe para kumita lamang nang sapat para sa kanilang pamilya. “Hindi katanggap-tanggap na may ganitong mga nangyayari,” pagdidiin niya.
Liban sa korapsyon, binatikos rin ng grupo ang anti-tsuper at anti-mahirap na mga patakaran ng rehimeng Marcos sa transportasyon. Patuloy ang panawagan ng grupo para ibasura ang sapilitang konsolidasyon ng mga prangkisa ng dyip at ang bulok na programang jeepney phaseout.
Nagsagawa ng sentralisadong programa ang Manibela sa Philcoa, Quezon City bilang pagbubukas sa kanilang tigil-pasada. Inianunsyo rin ng grupo na magbibigay ito ng libreng sakay sa mga estudyante at iba pang sektor na lalahok sa mga kilos-protesta sa darating na mga araw.
Makikiisa ang grupo sa planong malawakang demonstrasyon sa Luneta Park, Maynila sa Setyembre 21. Pangungunahan ng TAMA NA (Taumbayan Ayaw sa Magnanakaw at Abusado Network Alliance) at mga organisasyon ng kabataan ang pagkilos.