Balita

3-buwang 'fishing ban' sa Visayan Sea, perwisyo sa maliliit na mangingisda

,

Binatikos ng Pambansang Lakas ng Kilusang Mamamalakaya ng Pilipinas (Pamalakaya)-Panay ang pagpapataw ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) ng fishing ban sa piling bahagi ng Visayan Sea multa Nobyembre 15 hanggang Pebrero 15, 2026. Sa ilalim ng fishing ban, ipinagbabawal ang paghuli at pagbenta ng ‘sexually mature’ at ‘juvenile’ species ng ‘lupoy, silinyasi, linatsay, at manansi’.

Taun-taong ipinapataw ng BFAR ang fishing ban para umano matiyak ang paglago at pagpaparami ng mga isda. Pero ayon sa Pamalakaya-Panay, ang pagbabawal na ito ay hindi tugon sa krisis sa overfishing at sinasabing depisito sa yamang-dagat ng bansa.

Ang ibinabanderang sustenabilidad at pangangalaga ng fishing ban ay nakapipinsala sa maliliit na mamamalakaya, anang grupo. Tinatayang 100,000 maliliit na mangingisda ang nakasalalay ang kabuhayan sa Visayan Sea.

Ang patakaran ay unang ipinatupad sa bisa ng Fisheries Administrative Order (FAO) 167 ng 1989. Pansamantala itong isinuspinde noong 1990 (FAO 167-1) at 1991 (FAO 167-2). Noong 2013, inamyendahan ito sa bisa ng FAO 167-3 upang baguhin ang dating nakasaad na mga multa.

Ayon sa grupo ng mangingisda, ang pag-uurong-sulong sa naturang patakaran sa nagdaang mga dekada ay nagpapakita ng kawalan ng malinaw na tindig ng BFAR hinggil sa fishing ban. “Lantaran ang kapabayaan ng ahensya sa paglutas ng pinakaugat na mga problema ng mangingisda laban sa dayuhan at dambuhalang interes,” ayon sa grupo.

Anito, malinaw sa maliliit na mangingisda ang interes na itinataguyod ng BFAR laluna sa kabiguan nitong ipagtanggol ang eksklusibong karapatan ng mga maliliit na mangingisda sa 15-kilometrong municipal waters. Bigo rin umano ang BFAR kahit sa pagpapakulong sa mga iligal na trawler at iba pang lumalabag na malalaking sasakyang-pandagat sa mga patakaran ng ahensya.

Kinundena rin ng grupo ang kawalan ng sapat na pondo at kapasidad ng mga mangingisdang Bantay Dagat, o ng maayos na vessel monitoring system (VMS) na makapagtitiyak ng maayos na pagsubaybay sa komersyal na pangisdaan.

“Panakip-butas at dagdag pasanin lamang ang isang fish ban policy ng ahensyang walang tapang na loob para singilin ang pangunahing salarin sa pagkaubos ng isda sa karagatan,” ayon sa Pamalakaya-Panay.

Habang ipinanawagan ng grupo ang pagbasura sa kontra-mangingisdang fishing ban ng BFAR, iginiiit nito ang karampatang subsidyo para sa sektor dahil sa mawawalang kabuhayan sa loob ng ilang buwan.

AB: 3-buwang 'fishing ban' sa Visayan Sea, perwisyo sa maliliit na mangingisda