3,000 indibidwal, lumahok sa ikalawang takbo laban sa korapsyon
Humigit-kumulang 3,000 indibidwal ang lumahok sa ikalawang takbo laban sa korapsyon na inilunsad ng mga estudyante ng University of the Philippines (UP)-Diliman sa kampus noong Nobyembre 16. Panawagan ng mga estudyante at grupong anti-korapsyon ang pagpapanagot sa lahat ng sangkot sa katiwalian sa ilalim ng rehimeng Marcos.
Pangalawa na ang fun run o takbo laban sa korapsyon. Ang una nito ay inilunsad ng UP Engineering Student Council at UP Diliman University Student Council (UPD USC) noong Setyembre 7. Ayon sa dalawang konseho, muling nilang inilunsad ang aktibidad dahil dismayado ang mga estudyante dahil sa kawalang aksyon ng estado. Dalawang buwan na mula nang isinagawa ang unang takbo pero wala pa ring napapanagot at nakukulong.
Layunin din ng takbo na hikayatin ang mas maraming estudyante at Pilipino na tumindig at magpahayag laban sa korapsyon.
Tumakbo sa palibot ng kampus ang mga kalahok sa aktibidad at “hinabol” ang mga indibidwal na nakamaskarang Ferdinand Marcos Jr, Sara Duterte at iba pang tiwali sa gubyerno. Simboliko nilang hinuli ang mga tiwaling upisyal at ikinulong sa gawa-gawang preso sa harap ng Oblation Statue.
Liban dito, naglatag rin sa kalsada ng mga tarpolin para apak-apakan ng mga tumatakbo. Ang mga tarpolin ay mayroong naka-imprentang mukha ni Marcos, Duterte at iba pang tiwaling upisyal.
“Panagutin ang lahat ng korap. From the top to the bottom… sa lahat ng kurakot sa ating pamahalaan,” ayon kay Joaquin Buenaflor, tagapangulo ng UPD USC. Aniya, dapat magsimula ito sa mga “kumander-in-thief” na tinukoy niya bilang sina Marcos Jr at Duterte.
Ang aktibidad ay bahagi ng paghahanda para sa mas malaking protestang bayan kontra korapsyon na “Baha sa Luneta 2.0” na pangungunahan ng Kilusang Bayan Kontra Kurakot (KBKK). Ilulunsad ang demonstrasyon sa Luneta Park sa Maynila at magkakaroon ng katulad na mga protesta sa iba pang bahagi ng bansa. Pangunahing ipapanawagan ng grupo: “Lahat ng sangkot, dapat managot!”