3rd ID at AFP, nanggalaiti sa mga poster ng KM sa mga unibersidad sa Iloilo
Walang pagsidlan ang panggagalaiti ng 3rd ID sa pamumuno ng kumander nito na si Maj. Gen. Marion Sison sa mga poster at polyeto ng Kabataang Makabayan (KM) na ipinakalat ng rebolusyonaryong organisasyon sa University of the Philippines (UP)-Visayas at West Visayas State University (WVSU) noong nakaraang linggo. Ang mga poster at polyeto ay naglalaman ng mga panawagan ng KM sa mga kabataan na sumapi sa Bagong Hukbong Bayan (BHB) at pagdiriwang sa ika-60 anibersaryo nito noong Nobyembre 30.
Kaugnay ng anibersaryo ng KM, binati at pinagpugayan ng KM-Panay ang lahat ng mga balangay at kasapi nito sa buong isla. Nag-alay rin ito ng parangal sa lahat ng mga kabataang nagbuwis ng buhay at namartir bilang mga Pulang mandirigma ng BHB. “Malinaw pa rin sa atin ang ating tungkulin bilang mga kabataang mulat sa tunay na kalagayan ng ating lipunan: pukawin ang lahat ng kabataan, makiisa sa pakikibaka ng masang anakpawis at hikayatin sila sa daan ng armadong pakikibaka,” pahayag ni Ka Victoria Juven, tagapagsalita ng KM-Panay.
Ayon pa kay Juven, hinaharap ng mga kabataan at kabataan-estudyante sa Panay at sa buong bansa ang napakaraming suliranin na siyang dahilan ng patuloy nilang pagtindig. Nariyan, aniya, ang mga isyu ng kakulangan ng pasilidad at guro sa mga eskwelahan, patuloy na represyon sa mga kampus kabilang ang Red-tagging, intimidasyon at pagbabawal sa mga progresibong organisasyon. Maging ang mga pribadong eskwelahan ay pinapasok ng mga pwersa ng estado at National Task Force-Elcac para sa kampanyang panunupil.
“Desperado ang gubyerno sa pagpigil na maging kritikal ang kabataan at mamamayan,” ayon sa tagapagsalita. Aniya, hindi krimen ang pag-aalsa laban sa inhustisya at pakikibaka para baguhin ang isang bulok na sistema, at higit lalong hindi krimen ang pagiging rebolusyonaryo.
Nanawagan ang KM-Panay sa lahat ng kabataan na ialay ang kanilang kaalaman at lakas sa pambansa-demokratikong rebolusyon sa pagsapi sa BHB. Ito lamang umano ang tanging paraan para makamtan ang isang lipunang ganap na malaya.
Takot na takot ang 3rd ID
Kasunod ng paglitaw ng mga poster, istiker at polyeto ng KM sa dalawang unibersidad sa Iloilo, nagpahayag ng labis na pagkabahala si Maj. Gen. Sison sa tinawag niyang “agresibong mga aksyon” ng KM laluna at “bulnerable ang mga estudyante sa ganitong mga taktika.” Dahil dito, inatasan niya ang 3rd ID at kinumpasan ang Regional Task Force-Elcac 6 na magsagawa ng imbestigasyon para tugisin ang mga nagpaskil ng poster at nagpalaganap ng materyal para sa rekrutment sa BHB.
Isinusulong ng 3rd ID ang isang “koordinadong inter-ahensyang pagtugon para pigilan ang rekrutment ng [KM] sa mga kabataan.” Tulad sa nakaraan, hindi malabong humantong na naman ito sa isang kampanya ng Red-tagging sa mga ligal na organisasyon at samahan ng mga kabataan sa mga unibersidad.
Itinulak rin ng 3rd ID ang mga upisyal ng unibersidad na “aktibong makipagtulungan” sa mga pwersa ng gubyerno laban sa sinasabi nitong kumon na kaaway na rebolusyonaryong organisasyon. Matatandaang noong 2021, ay nag-ikot ang mga sundalo at pulis sa mga unibersidad para “linisin” ang mga silid-aklatan nito at samsamin ang lahat ng tinagurian nitong mga “subersibong libro at dokumento.