46 bala ng kanyon, pinasabog ng AFP sa mga kabundukan ng Masbate

Malaking gambala ang idinulot ng dalawang araw na pambobomba ng 2nd IB at 5th Field Artillery Battalion sa mga bundok ng Bagulayag, Uac at Irong-irong sa saklaw ng bayan ng Uson, Mobo at Milagros sa Masbate. Hindi bababa sa 46 ulit na kinanyon ng AFP ang lugar noong Setyembre 23-24.

Sa ulat ng Pambansang Katipunan ng mg Magbubukid (PKM)-Masbate, unang pinugpog ng mga bomba ang Mt. Bagulayag na nagsimula bandang alas-10 ng umaga hanggang 12 ng tanghali at mula alas-7 ng gabi hanggang alas-8 ng gabi noong Setyembre 23. Kinabukasan, halos isang oras na kinanyon ang nasabing bundok na nagsimula ng alas-9 hanggang alas-10 ng umaga.

Ang mga 105mm howitzer na ginamit ng mga sundalo ay nakapwesto sa kampo ng 2nd IB sa Barangay Panicijan, Uson, Masbate.

Ayon sa PKM-Masbate, putul-putol at nagkandabuwal ang mga puno ng niyog at kahoy na tinamaan ng mga bomba. “Maraming mga hayop ang napatay at maraming magsasaka at residente ang halong takot at galit ang naramdaman bunsod ng pagkawasak ng minamahal na kabundukang isa sa pinagmumulan ng kanilang kabuhayan,” dagdag ng grupo.

Pinasinungalingan ng PKM-Masbate ang pahayag ng militar na isang pagsasanay ng militar at live fire exercises ang ginagawa nila. Giit ng grypo, ang tunay na nilalayon ng mga sundalo ay tuluyang itaboy ang mga magsasaka at residente na naninirahan sa mga paanan at gilid ng mga bundok ng Bagulayag, Uac at Irong-irong para maalis ang mga sagka sa tuloy-tuloy na pagpapalawak ng Filminera-Masbate Gold Project.

Anang mga magsasaka, “tiyak na matapos ang pagwasak sa kabundukan ay susundan ito ng malawakang operasyong militar kasama ang mga tauhan ng kumpanyang Filminera upang tignan kung anong kayamanan ang kanilang mahuhuthot sa naturang mga bundok.”

Matatandaang bago pa man magsimula ang pagwasak sa mga bundok ay bumakwit na ang mga pamilyang nakatira sa mga gilid at paanan ng bundok Bagulayag at Uac kasama ang kanilang mga alagang hayop upang hindi tamaan ng mga nagliliparang mga bomba.

Tutol ang mga residente at magsasaka sa planong pagpasok ng kumpanyang mina ng Filminera sa lugar dahil sa malawakang perwisyong idudulot nito. Sa bayan ng Aroroy, kung saan dalawang dekadang nag-operasyon ang kumpanya, naitala ang pagkawasak sa kalikasan, paglason sa mga katubigan at ilog, pagkasira ng mga imprastrukturang sibil dulot ng malalakas na pagsabog sa minahan, pagguho ng lupa, pagpapalayas sa mga residente at magsasaka at militarisasyon at mga kaso ng paglabag sa karapatang-tao.

Tampok sa mga kasong ito ang pagkabutas noong 2013 ng tubo na dinadaluyan ng lasong kemikal na maruming tubig ng kumpanya. Tumagas ito sa Barangay Panique at umalingasaw ang amoy ng cyanide, isang masangsang at nakamamatay na lason. Naitala rin ng mga residente ang pagkamatay dulot ng lason ng kanilang alagang mga hayop na nakapastol malapit sa ilog.

AB: 46 bala ng kanyon, pinasabog ng AFP sa mga kabundukan ng Masbate