4Ps: Palpak na “pantawid” ng mga pamilyang Pilipino mula sa kahirapan

Paulit-ulit nang napatunayan ang kahungkagan ng 4Ps (Pantawid Pamilyang Pilipino Program), ang lokal na bersyon ng conditional cash transfer, bilang solusyon sa kahirapan ng mamamayang Pilipino. Ang programang ito ay disenyo ng World Bank noon pang dekada 1990, at paulit-ulit nang itinakwil sa maraming bahagi ng mundo. Una itong ipinatupad sa Pilipinas noong 2008 sa ilalim ng rehimeng Arroyo. Sa kabila ng halos 10 taon na kapalpakan ng programa, ginawa pa itong batas ng rehimeng Duterte noong 2017. Itinakda ng batas na ito na hanggang pitong taon lamang makatatanggap ng pondo ang mga nakapaloob sa programa.

Noong Oktubre 4, naglabas ng ulat ang Commission on Audit na nagsabing halos lahat o 90% ng mga benepisyaryo ng 4Ps sa nakaraang 13 taon ay lugmok pa rin sa kahirapan. Anito, sa 4.2 milyong pamilyang tumatanggap ng pondo mula 2009, hindi “naitawid” ng programa mula sa kahirapan ang 3,820,012 pamilya. Para sa taong 2021, wala pang isang porsyento sa mga benepisyaryong pamilya ang “grumadweyt” sa programa o itinakdang “di na mahirap.”

Ibig sabihin, nabubuhay pa rin ang halos lahat ng nakatatanggap ng 4Ps sa ilalim ng tinaguriang poverty threshold o takdang sukatan ng kahirapan. Ito ay kahit lubhang napakababa na ng itinakdang poverty threshold na nasa ₱12,030 kada buwan para sa isang pamilyang may lima katao. Lalong mas mababa ang itinakdang food threshold na nasa ₱8,379 lamang kada buwan o ₱18.62 kada tao bawat kainan.

Sinilip ng COA ang datos ng 4Ps matapos hindi nito makita ang “direktang ugnayan” sa laki ng badyet na ibinuhos sa programa mula 2008 at mga estadistika ng kahirapan sa Pilipinas. Umaabot na sa ₱537.39 bilyon ang kabuuang pondong kunwa’y naipamahagi sa mga benepisyaryo nito.

Ayon kay Judy Taguiwalo, dating kalihim ng Department of Social Welfare and Development, hindi dapat ituring na “stand alone” o solong lunas ang 4Ps sa kahirapan.

“Ang dapat na gawin ng gubyerno ay mamuhunan sa malinaw na mga programa sa ekonomya that lilikha ng mga trabaho,” aniya.

AB: 4Ps: Palpak na “pantawid” ng mga pamilyang Pilipino mula sa kahirapan