Balita

65-taong gulang na bilanggong pulitikal mula sa Central Luzon, namatay sa kulungan

,

Nanawagan ng hustisya ang Karapatan-Central Luzon sa pagkamatay ng 65-anyos na bilanggong pulitikal na si Sonny Tambalque. Namatay si Tambalque noong Mayo 26 sa primary tuberculosis, isang nagagamot na sakit ngunit pinalubha ng kanyang detensyon at hindi maayos na kalagayan sa kulungan.

Si Tambalque ay 18 taong nakakulong at ilang ulit nang ipinanawagang palayain sa batayang makatao dahil sa kanyang katandaan at dinaranas na mga sakit. Ayon sa grupo, nakakulong si Tambalque sa gawa-gawang mga kasong isinampa ng mga pwersa ng estado.

Pagdidiin ng grupo, “ang paglilingkod sa mamamayan at pagtindig para sa karapatan ng mamamayan ay hindi krimen.” Sa loob ng halos dalawang dekadang pagkakakulong ipinahayag ng grupo na “walang hustisya…wala sa buhay, at wala rin sa kamatayan.”

Sa tala ng Karapatan, mayroong 106 matatanda at 100 maysakit sa kabuuang 745 na bilanggong pulitikal sa bansa. “Marami ang namatay habang naghihintay na makamtan ang hustisya,” ayon sa grupo.

Ipinaabot ng Karapatan-Central Luzon ang pakikiramay nito sa pamilya ni Tambalque. Nakaburol si Tambalque sa kanyang bayan sa Carranglan, Nueva Ecija.

“Matapos ang 18 taon, ngayon lang ulit namin ikaw nakasama pero sa ganitong paraan pa. Mahal na mahal kita ama,” paghihinagpis ng kanyang anak sa isang Facebook post.

“Ang aming suporta at pakikiisa sa kanyang pamilya ay mainit na yakap ng pagkilala, at pagpapatotoo sa buhay ng paglilingkod at prinsipyo na pinangunahan ni Sonny,” ayon sa Karapatan. Nangako ang grupo na ipagpapatuloy nito ang pananawagan ng hustisya ang grupo at pagpapanagot sa estado sa ginawa nito kay Tambalque at lahat ng mga bilanggong pulitikal.

AB: 65-taong gulang na bilanggong pulitikal mula sa Central Luzon, namatay sa kulungan