Balita

7-milyong lakas na protestang No Kings, inilunsad laban kay Trump

,

Sa ikalawang pagkakataon, naglunsad ng protesta na ‘No Kings’ ang mamamayan sa US noong Oktubre 18. Ang “No Kings” ay isang pambansang pagkilos laban sa pasismo at anti-mamamayang patakaran ng rehimeng Donald Trump.

Umabot sa pitong milyon ang dumalo sa pagkilos sa mahigit 2,600 sentro ng protesta sa buong 50 estado sa US. Ito ang pinakamalaking pagkilos sa bansa ngayong taon at ikatlong pambansang protesta simula nang manungkulan si Trump sa kanyang ikalawang termino. Pinakamalaki ang pagtitipon sa National Mall sa Washington, DC, malapit sa U.S. Capitol.

Aktibong lumahok ang mga pambasang demokratikong organisasyon ng mga Pilipino sa mga pagkilos sa US bilang pakikiisa sa laban ng malawak na mamamayan ng US at pagkundena sa pasismo ng rehimeng Trump. Nananawagan din sila ng proteksyon at hustisya para sa mga Pilipinong biktima ng diskriminasyon, iligal na detensyon at deportasyon ng gubyerno ng US at pagpapanagot sa lantarang kapabayan at kawalang bahala ng gubyerno ng Pilipinas sa kanyang mamamayan.

Tinawag ang protesta na ‘No Kings’ (Walang mga Hari), bilang pagkundena sa pag-aasta ni Trump bilang hari sa halip na isang hinalal na presidente. Panawagan din ito para sipain siya sa kanyang ‘trono.’

Maliban sa US, naglunsad din ng protesta na ‘No kings’ sa Canada, Germany, Portugal, Sweden, Prague, France, Iceland at London bilang pakikiisa sa mamamayan ng US at upang ipahayag ang kanilang pagtutol sa pasismong at awtoritaryanismo na umiiral sa sarili nilang bansa. Sa mga bansa na umiiral pa ang monarkiya sa kanilang bansa, ginawa nilang ‘No tyrants’ at ‘No dictators’ ang kanilang panawagan.

Naganap ang protesta habang nasa ika -18 araw na naka-’shutdown’ o nakasarado ang gubyerno ng US dahil sa di pagkakasundo ng mga kongresista kaugnay sa badyet ng estado para sa 2026. Sa ilaling ng shutdown, tigil ang maraming programa at serbisyo sa mamamayan at sweldo ng maraming empleyado sa gubyerno. Sinasamantala ito ng rehimeng Trump upang bawasan pa ang bilang mga empleyado ng gubyerno at budget para sa serbisyo. Nasa 4,000 empleyado ng gubyero ang natanggal sa trabaho nitong mga nagdaang linggo.

Bahagi rin ang protestang No Kings ng malawakang protesta sa California, Portland, New York at Chicago upang kundenahin ang marahas na pagtutugis sa mga imigrante sa mga syudad ng Immigration and Customs Enforcement (ICE) at pagdeploy ni Trump ng US Marines at National Guard sa tinawag na mga sanctuary state o estado na kumikilala sa karapatan ng mga imigrante.

Kasalukuyang nakadeploy ang tropa ng national guard at US marine sa Washington, Memphis, Chicago at San Francisco upang tumulong sa pagtugis sa mga migrante at ‘protektahan’ ang mga ahente ng ICE mula sa mga nagpoprotesta.

Ang pagdeploy ng mga tropa ng US sa mga syudad na may malakas ang paglaban sa pagtugis ng ICE at pagtrato ng rehimeng Trump sa lahat ng tumutuligsa sa kanya, sa kanyang patakaran at sa kanyang partido na Republican bilang “anti-American” ay malinaw na nagpapakita na tunguhin ng rehimeng Trump sa isang militarista at diktadurang porma ng pamamahala.

AB: 7-milyong lakas na protestang No Kings, inilunsad laban kay Trump