80-anyos na ginang, namatay sa sindak dulot ng pamamaril ng 2nd IB

,

Namatay sa labis na takot at pangamba ang 80-anyos na ginang na si Amparo Maglasang Juanillo matapos ang walang-patumanggang pamamaril ng mga sundalo ng 2nd IB sa komunidad nila sa Sityo Mabuhay, Barangay Liong, Cataingan, Masbate noong Oktubre 2, alas-7 ng umaga.

Ang matanda ay naiwan sa kanyang bahay nang magsitakbuhan sa takot ang mga residente paalis sa kani-kanilang bahay. Maituturing siyang ika-22 na biktima ng pamamaslang ng mga pwersa ng estado sa Masbate sa ilalim ng rehimeng Marcos Jr.

Bago nito, walang-patumangga na ring namaril ang 2nd IB sa Barangay Liong noong Setyembre 29. Naiulat na nagpakana ng pekeng labanan ang yunit na ito matapos magpaulan ng bala sa hangganan ng Barangay Maanahao, Matubinao, Liong sa bayan ng Cataingan at Barangay Mabini sa bayan ng Palanas.

Kagyat na inilinaw ng Bagong Hukbong Bayan (BHB)-Masbate na walang yunit ng BHB sa lugar sa panahon na iyon.

Nagdulot ng takot at pangamba ang mga pamamaril sa komunidad, laluna sa mga estudyante at guro. Napwersang magkansela ng klase ang mga paaralan sa mga barangay ng Liong, Mabini, Maanahao, Matubinao at maging sa Osmeña noong Setyembre 29.

Taliwas sa pekeng balita na ipinalalaganap ng militar, tumagal lamang nang humigit-kumulang dalawang minuto ang pagpapaputok. Nagpakana pa ang mga ito na nakakumpiska sila ng mga armas at kagamitang militar na nasamsam mula sa BHB.

AB: 80-anyos na ginang, namatay sa sindak dulot ng pamamaril ng 2nd IB