99-taong pagpapaupa ng lupa sa dayuhan, binatikos ng mga magsasaka
Binatikos ng mga magsasaka sa ilalim ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP) ang pagsasabatas sa RA 112252 na nagpapahintulot ng pag-angkin at paggamit ng mga dayuhan sa mga lupa ng Pilipinas nang hanggang 99 taon. Inamyendahan nito ang Investors’ Lease Act kung saan pinahintulot na ang pagmamay-ari ng mga dayuhan ng lupa nang hanggang 50 taon. Pinahintulutan na rin ng batas ang pagpapaupa ng mga dayuhan (sublease) sa ibang dayuhan o lokal na negosyante. Pinirmahan ni Ferdinand Marcos Jr ang batas noong Setyembre 3.
“Isinusuko ng batas ng ito ang soberanya at lokal na interes ng Pilipinas sa altar ng dayuhang malalaking negosyo at iilang lokal na malaking panginoong maylupa, “ pahayag ng KMP. Tinawag ito ng mga magsasaka na “lantarang pagtataksil” sa interes ng Pilipino, at nagsasapanganib sa karapatan at kapakanan ng milyun-milyong walang lupa.
Magreresulta ang batas sa pagtindi ng pang-aagaw ng lupa, lalo’t magmamadali ang mga negosyante at panginoong maylupa na umangkin ng malalaking tipak ng lupa para ipresenta sa mga dayuhang mamumuhunan.
“Magreresulta ito sa mas maraming pagpapalayas, panggigipit at karahasan, laluna laban sa mga mangsasaka, mangingisda, katutubong mamamayan at maralitang lunsod,” ayon sa KMP.
Magreresulta din ito sa malawakang ispekulasyon sa halaga ng lupa, kabilang sa mga lupang agrikultural na dapat nakalaan sa produksyon ng pagkain, ayon sa grupo. Panawagan ng mga magsasaka, ilaan ang lupa sa magsasaka at Pilipino, hindi sa dayuhan.