Balita

Abugado ni Duterte, hinamong humarap sa ICC

,

Makatarungan at ligal ang pakikipag-ugnayan ng gubyerno ng Pilipinas sa International Criminal Court (ICC) alinsunod sa mga nagpapatuloy na obligasyon nito sa nilagdaan ng bansa na Rome Statute. Ito ang sagot ni Atty. Krissy Conti sa pahayag ni Salvador Panelo, tagapayong ligal ni Rodrigo Duterte, na hindi maaaring litisin ng ICC ang dating presidente. Si Conti ay tumatayo na isa sa pangunahing abugado ng mga pamilya ng mga biktima ng huwad na gera kontra-droga.

Mula’t sapul, ipinagkakalat ni Panelo at ng kampo ni Duterte na walang awtoridad ang ICC sa Pilipinas dahil sa pagkalas dito ng bansa noong Marso 2019. Taliwas ito sa naging pahayag kamakailan ng kalihim ng Department of Justice na si Jesus Remulla na nagsabing “bukas” ang bansa sa ICC, kahit hindi ito “direktang sangkot” sa imbestigasyon.

Bago pa nito, inamin ng gubyernong Marcos na tungkulin ng Pilipinas na galangin ang ilalabas na mandamyento de aresto ng ICC kung idadaan ang atas sa International Police o Interpol. Ayon din kay Remulla, batid ng gubyerno na nakailang beses nang pumasok ang mga imbestigador ng ICC sa Pilipinas noong nakaraang taon para kapanayamin ang mga saksi.

“Ang pagkalas (ng Pilipinas) ay hindi aapekto sa anumang kooperasyon sa Korte kaugnay sa mga kriminal na imbestigasyon at proseso…kung saan may tungkulin ang kumalas na estado na makipagtulungan kung ang mga ito (krimen) ay isinagawa bago nagkabisa ang pagkalas,” saad ng Artikulo 127 ng naturang statute, na salalayang ligal ng pagbuo ng ICC.

Ayon kay Attorney Conti, ang huling pahayag ng kalihim ng DOJ ay “umaalinsunod” sa Rome Statute. Sa kabilang banda, tinawag niyang “pathetic” o kalunus-lunos ang kampo ng mga Duterte sa kanilang paulit-ulit na pagtanggi sa awtoridad ng ICC, sa katangian ng mga pagpaslang bilang mga krimen laban sa sangkatauhan, at ang pinakamatindi, ang pagtanggi na may naganap na malawakang patayan sa gera kontra-droga.

“Gumagamit sila ng propagandang Nazi, kung saan inuulit-ulit nila ang isang kasinungalingang para maging totoo ito sa huli,” ayon sa abugada. Hinamon niya si Panelo sa isang programa kung saan pareho silang panauhin na “magkita tayo sa ICC.”

“Sistematiko ngayong kumikilos ang ICC para tuklasin kung ano talaga nangyari dito,” ayon kay Attorney Conti. Nagbukas ang korte ng website para sa mga apela ng mga saksi, tanda ng mas bukas na pagharap nito sa imbestigasyon sa Pilipinas, aniya. Nitong Enero, lumabas sa balita na nakapailalim na sa kustodiya ng ICC si Edgar Matobato, isa sa mga dating tauhan ni Duterte na sangkot sa ekstrahudisyal na mga pamamaslang noong meyor siya ng Davao City.

“(N)oong nakaraang buwan, nailabas na ang mga mandamyento de aresto para sa sitwasyon sa Palestine, kahapon (Enero 23), naghapag na ng petisyon ang prosekyutor para sa mga mandamyento de aresto para sa sitwasyon sa Afghanistan. Umaasa kaming kasunod na ang sa amin,” pahayag ni Conti.

Isa si Attorney Conti sa mga katuwang na abugado ng ICC sa kaso laban kay Duterte. Kasapi siya ng National Union of People’s Lawyers.

Samantala, itinulak ng mga kongresista ng Makabayan ang agad na pagbabalik ng Pilipinas sa ICC.

AB: Abugado ni Duterte, hinamong humarap sa ICC