AFP, kidnapper at sinungaling!

,

Naglunsad ng raling-iglap ang kabataan sa ilalim ng Anakbayan at iba pang grupo sa harap ng Camp Aguinaldo kahapon, Setyembre 23, para kundenahin ang pagdukot o pagkidnap, detensyon at pamimilit sa dalawang aktibistang pangkalikasan na sina Jhed Tamano at Jonila Castro. Kinundena din nila ang mga kasinungalingang patuloy na ipinalalaganap ng militar matapos matapang na salungatin ng dalawang aktibista ang mga kasinungalingan ng AFP, at sa kalauna’y pagbawi sa kanila mula sa kustodiya ng AFP at NTF-Elcac.

Bitbit nila sa protesta ang mga istrimer na nagsasaad na “AFP: Mandurukot at sinungaling!” “Abolish NTF-Elcac!” Stop the attacks!”

“Ang AFP ang mandurukot at sinungaling! Malinaw ang ebidensya na walang may ibang kagagawan nito kundi ang AFP at NTF ELCAC,” bwelta ni Kate Almenzo, tagapagsalita ng Anakbayan. “Sa lahat ng kaso ng abduction, malinaw ang kaso ng redtagging at sarbeylans ng mga ahente ng estado. Lantad na lantad na ang kanilang kultura ng pag-‘brand’ sa mga aktibistang nasa kamay nila bilang fake surrenderees!”

“Sa dami ng kaso ng desaparacidos at lumalalang kalagayan ng karapatang-tao sa buong bansa, wala ni isang pahayag si Marcos Jr! Malinaw na walang pagkilala sa karapatang-tao ang rehimeng ito,” ani Almenzo. “Hinahamon ka namin, Marcos Jr, panagutan mo ang sarili mo at ang Armed Forces of the Philippines sa patuloy na pagtapak sa demokratong karapatan ng mamamayan at patuloy na pag-aabuso rito!”

Tinawag nilang “desperado” ang AFP sa pagbabanta nitong sampahan ng kasong perjury o pagsisinungaling sina Tamano at Castro dahil sa pinirmahan nilang salaysay na “sumuko” sila habang nasa lihim na detensyon ng militar.

Inilinaw ng abudago ng dalawa na si Atty. Dino de Leon na hindi ito maaaring gawin ng militar. Aniya, lahat ng pahayag na ginawa ng dalawa habang nasa kustodiya sila nang walang presensya ng kanilang piniling ligal na representate ay hindi pwedeng gamitin sa korte bilang ebidensya. Kung tutuusin, maari pa nga itong gamiting ebidensya ng pang-aabuso at pamimilit, aniya.

Giit ng Release Jonila and Jhed Network, ang militar ang dapat na singilin at sampahan ng kasong kidnapping, illegal detention, at iba pang paglabag sa karapatang-tao ng dalawa.

AB: AFP, kidnapper at sinungaling!