Balita

Ahente ng AFP sa Himamaylan City, pinarusahan ng BHB

Apat na maiiksing armas at isang laptop ang nasamsam mula sa ahente ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa Himamaylan City, Negros Occidental sa isinagawang operasyon ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) noong Nobyembre 14 nang gabi. Pinatawan ng BHB-South Central Negros (Romeo Nanta Command) si Armie Tuparan, aktibong aset paniktik ng AFP, ng parusang kamatayan sa Sityo Taytay 2, Barangay Carabalan, alinsunod sa naging hatol sa kanya ng hukumang bayan.

Ayon kay Ka Dionesio Magbuelas, tagapagsalita ng yunit, direktang imbwelto si Tuparan sa paggigiya sa operasyong kombat na nagtangkang ireyd ang yunit ng BHB sa Sityo Palosais, Barangay Mahalang noong 2023. Liban dito, aktibo siya sa pagpapahamak sa mga sibilyan na ipinalalabas niyang mga “surenderi.”

Paliwanag ni Ka Dionesio, malaki ang kinikita ni Tuparan mula sa bulok na programang E-CLIP o Enhanced Comprehensive Local Integration Program at sa National Task Force-Elcac. Hindi bababa sa 40 residente sa mga sityo ng Barangay Carabalan ang sapilitan niyang “pinasurender” kahit sibilyan ang mga ito.

“Pinagbabantaan niya ang pinagsususpetsahan niyang may kaugnayan sa rebolusyonaryong kilusan, ni-rered-tag at dinadala sa militar bilang surrenderee para kumita mula sa pabuya,” pahayag pa ni Ka Dionesio. Ginamit ni Tuparan na tabing ang pagiging myembro ng “bantay lasang” o tagapagbantay ng kagubatan para sa kanyang operasyon.

Sangkot rin siya sa mga kaso ng pagkumpiska sa mga produkto ng mga sibilyan, pagbabawal sa kanilang kumuha ng punong-kahoy, pangongotong sa mga trak na dumadaan malapit sa kanyang bahay at iba pang katulad na aktibidad. May kaso rin siya ng pang-aagaw ng lupa mula sa mahihirap na magbubukid.

“Ang aksyong ito ay batay sa kahingian ng mamamayan para sa hustisya ng mga biktima [ng mga paglabag sa karapatang-tao],” ayon kay Ka Dionesio. Dagdag ng tagapagsalita, magsisilbi rin itong babala sa iba pang mga traydor at nagpapahamak sa mamamayan at kanilang rebolusyonaryong kilusan.

Samantala, binigyang babala ng BHB-South Central Negros si Arnel Recaido mula sa Sityo Bulod sa parehong barangay dahil sa paggiya sa operasyong militar ng AFP, pagbabanta at Red-tagging sa mga residente. Kinumpiska kay Recaido ang isang maiksing armas sa operasyon ng hukbong bayan.

AB: Ahente ng AFP sa Himamaylan City, pinarusahan ng BHB