Balita

Aksidente sa SCTEX, nagpatampok sa di maayos na kundisyon sa paggawa ng mga drayber ng bus

Isang malaking trahedya ang naganap na aksidente noong Mayo 1 kung saan inararo ng isang bus ang apat na sasakyan malapit sa isang tollway ng Subic-Clark-Tarlac Expressway (SCTEX) na nagresulta sa pagkamatay ng 10 katao. Agad na isinuspinde ng Department of Transportation ang kumpanya na Solid North, kung saan napabilang ang bus, at ipinag-utos nag inspeksyon sa mga bus nito. Gayunpaman, higit sa posibilidad ng mga depektibong bus, nasesentro ngayon ang usapan sa kundisyon sa trabaho ng mga drayber ng bus na nagbubunga sa mga katulad na aksidente.

Ayon sa paunang mga ulat, may posibilidad na nakatulog habang nagmamaneho ang drayber ng bus, dahilan na hindi siya nakapagpreno sa takdang panahon. Ayon sa Institute for Occupational Health and Safety Development (IOHSAD), pinatatampok nito ang labis na pagpapatrabaho at kakulangan ng sapat na pahinga ng maraming drayber.

“Ang trahedyang ito ay matingkad na paalala para sa agarang pangangailangan na tugunan ang mapang-abusong kundisyon sa paggawa ng ating mga drayber ng bus,” pahayag ni Nadia De Leon, Executive Director ng IOHSAD. “Ang praktis ng ‘unli working hours’ ay hindi lamang naglalagay sa panganib ng buhay ng mga drayber kundi nagdudulot din ng malaking panganib sa kaligtasan ng publiko.”

Ang terminong “unli working hours” ay kaugnay sa pagpapatrabaho sa mga drayber sa labis na mahahabang oras nang walang sapat na pahinga. Kadalasan, inieengganyo ito sa pamamagitan ng pagbibigay ng komisyon batay sa kita. Hindi lamang isinasapeligro ng kaayusang ito ang kaligtaan ng mga drayber, labag din ito sa pangunahing mga karapatan sa paggawa at Occupational Safety and Health (OSH) Standards Law.

Binigyang-diin ni De Leon na ang ligtas na mga kalsada ay nagsisimula sa ligtas na mga kundisyon ng trabaho, at na hindi lamang ang indibidwal na mga drayber ang pinanagot kundi higit dito ang mga kumpanya at sistemang nagpapanatili sa peligrosong kaayusang ito.

Sa harap ng trahedya, nakipagtulungan ang IOHSAD sa partidong Bayan Muna, para ipinawagan ang isang independiyenteng imbestigasyon sa Solid North Bus Company, na bahagi ng JAC Liner group. Hiling ng organisasyon na isiwalat sa publiko ang mga matutuklasan dito at papanagutin ang responsable sa sistematikong pagpapabaya sa kapakanan ng mga drayber at ng publiko.

Hindi isolated na insidente ang trahedya sa SCTEX. Malinaw sa road crash data ng Pilipinas ang hindi ligtas na kundisyon sa paggawa at ang mahinang pagpapatupad ng mga pamantayan sa paggawa sa transportasyon. Hanggang di nalulutas ang ugat na ito, patuloy na magaganap ang katulad na mga trahedya.

AB: Aksidente sa SCTEX, nagpatampok sa di maayos na kundisyon sa paggawa ng mga drayber ng bus