Aktibistang manunulat, dinukot at itinago ng militar at pulis sa Zamboanga

Ang artikulong ito ay may salin sa English

Sa isang pahayag noong Pebrero 27, kinundena ng Anakbayan-Southern Mindanao Region ang pagdukot at pagdesaparesido ng militar at pulis sa isang aktibistang manunulat at kanyang kasama. Dinukot at hanggang ngayon ay di pa inililitaw ng mga sundalo at pulis ng Siay, Zamboanga Sibugay si Nelson Bautista Jr, dating mamamahayag sa kampus ng Notre Dame College sa Kidapawan City.

Pinasok ng mga pulis at sundalo ang tinitigilang bahay ni Bautista at kasama niyang si Ademar Anciero Etol, 64 taong gulang, sa Barangay Balingasan sa nabanggit na bayan noon pang Enero 25. Inilitaw at sinampahan si Etol ng mga kasong pagpaslang. Nakakulong siya ngayon sa Siay Municipal Police Station. Samantala, hindi na nakontak si Bautista ng kanyang pamilya at mga kaibigan mula sa araw na iyon.

“Malaon nang target sina Bautista at Etol ng pang-aatake ng estado,” ayon sa pahayag ng Anakbayan-SMR. Si Etol ay tubong San Isidro, Davao del Norte, ay inakusahan ng militar na Pulang mandirigma. Ayon sa grupo, sinampahan siya ng gawa-gawang mga kaso, matapos taniman ng ebidensyang baril at bala.

Si Bautista ay naging tagapangulo ng College Editors Guild of the Philippines sa North Cotabato noong 2004. Naging kumbenor din siya ng KALAMPAG, isang alyansa laban sa pang-aabuso ng pamilyang Pinol sa North Cotabato. Iginugol niya ang halos dalawang dekada ng kanyang buhay sa malalayong lugar kung saan naging aktibo siya sa mga kampanya laban sa mapaminsalang pagmimina at karapatan ng mga Lumad at magsasaa sa iba’t ibang bahagi ng rehiyon ng Davao. Si Bautista ay myembro rin ng LGBTQIA+ community at matatag na tagapagtanggol ng mga karapatan ng sektor.

Dulot ng kanyang mga aktibidad, itinuring at tinutugis siya ng militar bilang “terorista.”

“Ang sapilitang pagkawala kay Bautista ay sumusunod sa padron ng mga pagdukot sa ilalim ng rehimeng Marcos na isinasagawa ng mga ahente ng militar at NTF-Elcac para ipresenta sila bilang mga pekeng surederi,” ayon sa grupo. Ganito rin ang ginawa sa mga aktibistang sina Jhed Tamano at Jonila Castro sa Bataan, at kina Dyan Gumanao at Armand Dayoha sa Cebu, at pinakahuli, kay Jose Marie Estillier sa Batangas.

“Ilitaw si Bautista!” panawagan ng grupo. Anito, kailangang galangin ng estado ang kanyang mga ligal at pulitikal na karapatan at iprisenta siya sa korte. Panawagan rin nito ang pagpapalaya kay Etol.

Nanawagan ang grupo sa lahat ng mga kasama at kaibigan ni Baustita, mga tagapagtanggol ng karapatang-tao at kapayapaan, na palakasin ang panawagan para sa kagyat at ligtas na pagpapalitaw kay Bautista.

AB: Aktibistang manunulat, dinukot at itinago ng militar at pulis sa Zamboanga