Alyansa kontra incinerator sa Maynila, binuo ng mga residente at maka-kalikasang grupo
Nagtipon noong Setyembre 30 sa San Pablo Apostol Parish Church sa Maynila ang daan-daang mga residente ng Smokey Mountain at iba pang mga barangay ng Tondo, at mga lider-relihiyoso at maka-kalikasang grupo para itatag ang Manila Anti-Incinerator Alliance (MAIA). Ang pagtitipon, na itinaon sa paggunita sa Day of Action Against Incineration, ay may layuning labanan ang planong pagtatayo ng ₱26-bilyong waste-to-energy (WTE) incinerator sa Barangay 128, Smokey Mountain.
Ang proyekto ay isang 100 megawatt na WTE Incineration Plant na itinutulak ng Manila Integrated Environment Corp. (MIEC), kumpanyang kontrolado ng Phil. Ecology Systems Corp. (PHILECO) na pag-aari ng negosyanteng si Reghis Romero II. Suprtado ito ng kumpanyang Japanese na Kanadevia Corporation at nakabalangkas ang pagtatayo sa malawakang Port Modernization sa kahabaan ng pantalan sa Maynila.
Kabilang ang planta sa itinuturing na mga prayoridad na proyekto ng rehimeng Marcos at lokal na gubyerno ng Maynila sa pangunguna ni Isko Moreno. Pinalalabas ng rehimen na makatutulong ang proyekto sa flood control (sa pagkolekta at pagsusunog sa basura) sa syudad at para umano itaguyod ang “renewable energy” sa bansa.
Ang WTE ay isang proseso ng kumbersyon ng basura tungong magagamit na enerhiya sa pamamagitan ng mga prosesong thermal. Ang mga incinerator na gumagamit sa prosesong ito ay nagbubuga ng abo na nagtataglay ng mga pollutant na mayrong kemikal na nagdudulot ng kanser tulad ng dioxin na makaapekto sa mga komunidad sa palibot ng planta.
Liban sa kalusugan, lubhang maapektuhan ng proyekto ang tinatayang higit sa 2,000 pamilya o 23,000 residente at mangangalakal dahil mapalalayas sila mula sa kanilang mga tirahan. Sa katunayan, nagsimula na ang demolisyon sa puu-puong mga komunidad at kabahayan sa nagdaang mga buwan.
Noong Agosto 18, nagprotesta ang mga residente ng Smokey Mountain sa harap ng Manila City Hall sa pangunguna ng Samahan ng mga Magkakapitbahay sa Upper Smokey Mountain-Kadamay para kundenahin ang demolisyon. Kinundena rin nila ang patuloy na panggigipit at pagpapalayas sa mga residente ng kumpanyang R-II Builders, pag-aari rin ng negosyanteng si Romero.
Ayon sa grupo, naganap ang demolisyon nang walang tunay na konsultasyon, makataong relokasyon o alternatibong kabuhayan. Malinaw na paglabag ito sa batayang karapatan ng mamamayan, anang mga residente.
“Napakarami ng ibinibidang renewable energy projects sa bansa, kaliwa’t kanan ang mga dambuhalang dam, solar, at wind power projects. Ngunit kung ang mga proyektong ito ay hawak lamang ng iilang mayayaman, kung ang benepisyo’y hindi napapakinabangan ng taumbayan at mas masahol pa, nagdudulot ng pagpapalayas at pagkawasak ng kabuhayan—hindi ito makatarungan,” pahayag ni Niña Fegi, koordineytor ng Panatang Luntian.
Aniya, makatwiran lamang ang patuloy na paglaban at pagkakaisa ng mga komunidad at mga sumusuportang organisasyon laban sa Smokey Mountain WTE Incinerator. “Kailangan nating ipaglaban ang karapatan ng mga mamamayan sa maayos na paninirahan, sa malinis na hangin, at sa hustisyang pangkalikasan,” panawagan niya.