Balita

Alyansa ng mga taong simbahan sa pambansang kabisera laban sa korapsyon, itinatag

,

Nagtipon ang mga obispo, pari at pastor mula sa iba’t-ibang denominasyon na nakabase sa National Capital Region para sa paglulunsad ng Church People Against Corruption (CPAC) sa San Juan City noong Oktubre 27. Layunin ng alyansa na ipakita ang pagkakaisa at paninindigan ng mga taong simbahan laban sa korapsyon na nagpapahirap sa sambayanan. Ang alyansa ay bahagi ng United People Against Corruption (UPAC), grupo ng mga indibidwal at organisasyon na nananawagan para sa pananagutan at hustisya mula sa korapsyon ng estado.

Kabilang sa mga lider simbahan na nakiisa sa alyansa ay sina: Obispo Bellaser Herrera ng Independent Eastern Catholic Church; Padré Dionito Cabillas ng Iglesia Filipina Independiente; Padré Rico Ponce, OCarm ng Anawim Mission; Padré Ben Ngayaan ng Episcopal Church in the Philippines; Pastor Gilbert Rojero ng Christ Centered Discipleship Transformation Church; Arsobispo Emerson Beriones, D.D. ng Holy Orthodox Catholic Apostolic Church of Jesus Christ; Dr. Carmen Alviar ng Institute of Spirituality in Asia; Pastor Nestor M. Ravillas ng Penuel School of Theology; Fr. Joseph Ocarm, Prof. Aileen Alava-Orillaza ng Asian Theological Seminary; Pastor Rodolfo Rona ng Association of Pastors for Outreach and Intercession (APOI); at Pastor Bernard Osias Rector ng St. Lukes Cathedral, Episcopal Church of Central Philippines.

Ayon sa CPAC, ang korapsyon ay hindi lamang bawal sa batas, kundi isa rin sa kasalanan sa Diyos at sa bayan. Ang pagnanakaw sa kaban ng bayan ay pagnanakaw sa pagkain ng mahihirap, sa edukasyon ng mga bata at sa kinabukasan ng buong sambayanan.

“Sa aming mga parokya at komunidad, nasasaksihan namin kung paanong ang mga proyektong flood control at iba pang imprastraktura, na dapat sana ay nagtataguyod ng kaligtasan at kaunlaran, ay nagdulot ng pinsala, pagkawala ng tahanan at labis na pagdurusa sa aming mga kapwa-parokyano at mamamayan. Ang katiwalian sa paggamit ng pondo ng bayan ay nagiging ugat ng kawalang-katarungan at patuloy na paghihirap ng marami,” paliwanag ng CPAC.

Kaisa ng United People Against Corruption (UPAC), nagpahayag ang alyansa ng buong suporta para sa sa Million Signature Campaign para papanagutin ang mga tiwaling upisyal, at sa People’s Tribunal na magbubunyag ng katotohanan.

Nanawagan din ang alyansa para sa paglahok ng mamamayan sa pambansang pagkilos sa Nobyembre 7 na tinaguriang “Lakbayan ng mamamayan kontra korapsyon” bilang sama-samang paninindigan ng pananampalataya at mamamayan para sa katotohanan, katarungan at pagbabago.

Bahagi ang UPAC sa dambuhalang pagkilos sa Luneta Park noong Setyembre 21 na tinawag na Baha sa Luneta. Mula sa pagkilos na ito, itinayo ang Kilusang Bayan Kontra Kurakot (KBKK) para ipagpatuloy ang kampanya laban sa korapsyon at para sa katotohanan at pananagutan. Nakatakdang muling maglunsad ng malaking pagkilos ang KBKK sa Nobyembre 30.

AB: Alyansa ng mga taong simbahan sa pambansang kabisera laban sa korapsyon, itinatag