Amerikanong aktibista, pinagbawalang pumasok sa Pilipinas
Hinarang sa paliparan at pinagbawalang pumasok sa Pilipinas noong Abril 26 si Gordon Mutch, myembro ng Baltimore Committee for Human Rights in Philippine (BaltCHRP). Nasa bansa si Mutch para magmasid sa eleksyong 2025 at makita ang kalagayan ng mga Pilipino sa ilalim ng rehimeng Marcos Jr. Dinetine siya ng Philippine Bureau of Immigration nang apat na oras, bago siya dineport sa basehan ng “kontra-gubyerno niyang mga aktibidad” sa bansa.
Ang BaltCHRP ay myembrong organisasyon ng International Commission for Human Rights in the Philippines (ICHRP). Tulad noong eleksyong 2022, nagpadala ang ICHRP ng grupo ng mga tagamasid o International Observers Mission (IOM) sa paparating na eleksyon. Naging bahagi ng unang IOM si Mutch.
Ayon sa ICHRP, ang pagdetine at pagdeport kay Mutch ay halimbawa awtoritaryan na hakbang na hindi na bago sa pulitika sa Pilipinas. Kabilang ito sa mahabang listahan ng mga patakaran at pampulitikang panunugis upang mapanatili sa kapangyarihan ang rehimeng US-Marcos. Noong nakaraang taon, pinagbawalan rin na pumasok si Copeland Downs, isang aktibistang pangkapayapaan, pagkatapos nyang ma-blacklist.
Naisadokumento ng ICHRP ang 18 insidente ng pag-atake sa mga aktibistang nakikiisa at myembro nito mula pa 2018. Kabilang sa mga pag-atake ang: surbeylans sa mga aktibistang nakikiisa habang bumibisita sa Pilipinas, panghaharas gamit ang mga nakasabit na tarpolin sa Pilipinas na nagsasabing sinusuportahan nga mga aktibista ang teroristang grupo, Red-tagging sa mga myembro ng ICHRP sa social media, at pagpapamanman sa mga pwersa ng estado ng Canada hinggil sa mga aktibidad ng ICHRP. Dagdag pa rito, sinipa ng gubyerno ng Pilipinas si Sister Patricia Fox, isang Australian na aktibista at si Gill Boehringer sa ilalim ng rehimeng Duterte.
“Bakit may problema ang gubyerno ng Pilipinas, na alyado ng US, sa Amerikano na legal na bumibisita sa bansa? Kung talagang walang itinatago ang rehimen na ito, wala ito dapat kinatatakutan sa mga aktibista na bumibisita sa kanilang bansa,” ayon sa ICHRP.
“Hindi natatakot ang ICHRP. Ang insidenteng ito ay isa sa mga dahilan para mas mapagtibay namin ang aming pakikiisa sa sambayanang Pilipino. Dapat tanggalin ang pagbabawal sa mga aktibista na nakatira sa ibang bansa na pumasok sa Pilipinas. Tinatawagan namin ang ibang mga gubyerno, lalo na ang US na itigil ang ayudang militar sa Pilipinas hanggat hindi tumitigil ang mga atake nito sa mga aktibista at kritiko,” dagdag ng ICHRP.