Balita

Ano ba talaga?

Kabaliktaran sa idineklarang mga “tagumpay” ng AFP at NTF-ELCAC, lumalakas daw ang BHB ayon kay Esperon

Balita kahapon ang pahayag ni National Security Adviser Hermogenes Esperon na nasa 4,000 ang bilang ng mga regular na mandirigma ang Bagong Hukbong Bayan (BHB). Aniya, ito ay dahil nagkaroon ng “resupply” sa hanay ng mga Pulang mandirigma, “very especially students” o lalong laluna mula sa hanay ng mga estudyante. Mas mataas ito sa sinabi ng noo’y hepe ng AFP na si Gilbert Gapay na nasa 3,700 na lamang ang mga Pulang magdirigma sa pagtatapos ng 2020.

Kung paniniwalaan si Esperon, isang buong batalyon ang nabuo ng BHB mula Enero hanggang Mayo ngayong taon. Baliktad ito sa mga pahayag ng AFP at National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) na “humihina na” ang BHB sa lahat ng panig ng bansa, laluna sa mga rehiyon ng Mindanao kung saan “pinamalakas” ito. Ayon sa naggagandahang mga press release ng mga area command ng AFP, marami nang mga larangang gerilya ang nawasak dahil sa “sustenidong mga atake ng AFP” at “libu-libo” na ang sumuko. Magkakasabay pa halos ang mga ito magdeklarang “tatapusin” na ng bata-batalyong tropa ng AFP ang “nalalabing mga yunit” ng BHB sa kani-kanilang mga rehiyon. Sa mga pahayag ng mga ito, nasa “bingit” na ng pagkaubos ang BHB.

Kung iaayon sa bilang ni Esperon, halos walang pagbabago ang bilang ng mga Pulang mandirigma mula 2016. Ayon sa noo’y sa hepe ng AFP na si Hernando Irriberi, nasa 3,926 ang mga Pulang mandirigma sa katapusan ng 2015, mula diumano sa 4,443 na bilang noong 2014. Kinwestyon ang bilang na ito noon ng mga mamamahayag dahil ayon sa naunang pahayag ng AFP noong Hulyo 3, 2015, nasa 3,200 lamang ang bilang ng BHB sa katapusan ng 2014.

Lalong gumulo ang mga bilang ng AFP noong 2017 noong ideklara ni Defense Sec. Delfin Lorenzana na may 5,000 mandirigma ang mga BHB habang nasa 3,700 lamang ang upisyal na “taya” ng AFP. Noong 2018, ipinirmi ng AFP sa 3,700 ang bilang ang nangakong “ibababa sa kalahati” sa kalagitnaan ng taon. Sa parehong taon, sinabi ni Lorenzana na umabot sa 4,356 ang sumurender at 626 sa mga ito ay “regular” na myembro ng BHB.

Ayon naman sa Department of Interior and Local Government noong Mayo 2020, umabot na sa 4,190 ang mga benepisyaryo ng programang E-CLIP (programa para sa “intregrasyon” ng mga diumano’y mga surenderi). Ang 2,646 diumano sa mga ito ay mga “regular na myembro” ng BHB. Kung seseryosohin ang bilang na ito, dapat may 1,280 mandirigma na lamang ang BHB noong 2020. Sa gayon, lumaki ito ng 34% sa pangalawang hati ng 2020 (tungong 3,700) at dagdag na 9% sa unang hati ng 2021 (tungong 4,000).

Hindi ito ang unang pagkakataong humugot ng numero si Esperon at ang AFP sa ere. Bilang hepe ng AFP noong 2006, idineklara niya na mapahihina niya ang BHB mula 7,000 tungong 3,500 sa taong 2010. Ito ay mula sa gawa-gawang ding bilang na 12,000 na mandirigma sa taong 2002. Aniya, kakayanin ng AFP na bawasan ng 1,000 mandirigma ang BHB kada taon. Ngayon naman, target ni Esperon na bawasan ng 1,500 mandirigma ang BHB.

Sa isang banda, madalas na pinalalaki ng mga upisyal ng militar ang bilang ng BHB sa mga panahon ng pagdinig ng badyet para sa AFP o tuwing namamalimos ito sa US para sa dagdag na armas at materyal panggera. Sa ngayon, malinaw na isa sa mga layunin ni Esperon ang ibilang ang maraming aktibista sa kalunsuran, laluna ang kabataan, sa armadong kilusan para ipaliwanag ang biglang paglaki ng bilang sa kabila ng “naglalakihang tagumpay” ng NTF-ELCAC at AFP.

Sa kabilang banda, hindi maitatanggi ni Esperon at ng kanyang among si Rodrigo Duterte na malayo nang mangyari ang pangarap nilang magagapi ang BHB sa 2022. Hindi rin nila maitatago na palpak ang NTF-ELCAC sa idineklarang layunin nito na “agawin” ang suporta ng mamamayan sa BHB sa pamamagitan ng iskemang “whole-of-nation.”

AB: Ano ba talaga?