Balita

Anomalya sa CIF, maaring batayan ng impeachment kay VP Duterte

,

Maaaring maging batayan ng impeachment complaint o reklamo para patalsikin sa pwesto bilang bise presidente si Sara Duterte ang mga anomalya sa paggastos niya sa confidential and intelligence funds noong 2022. Ipinahayag ito kamakailan ng kinatawan ng ACT Teachers Partylist at kandidato pagka-senador ng Makabayan na si Rep. France Castro. Ito ay matapos tumanggi si Duterte na sagutin ang mga tanong ng mga kongresista kaugnay dito at sa hinihiling niyang badyet sa isang pagdinig sa Kongreso noong Agosto 27.

“Sa paglulustay ng confidential funds, sa panahong kulang na kulang ang pondo para sa serbisyong publiko, at sa pagtangging ipaliwanag ito sa taumbayan, malinaw na may batayan ang impeachment,” ayon kay Castro. Ibinunyag ni Castro na ipinababalik ng Commission on Audit ang ₱73 milyon sa ₱125 milyon na CIF ni Duterte dahil sa “maling paggamit” (misuse) ng upisina nito sa naturang pondo. Tungo rito, pinadalhan ng COA ang upisina ni Duterte ng “notice of disallowance” o pabatid na hindi pinahintulutan ang kanyang gastos.

Sa ulat na natanggap ng Kongreso mula sa COA, napag-alamang ginastos ni Duterte ang CIF sa sumusunod:
Pagbili ng impormasyon ₱14 milyon
Pabuya ₱10 milyon
Upa at iba pang gastos sa pagmamantine ng mga safe house ₱16 milyon
Ayudang medikal at pagkain ₱35 milyon
Bayad-insentiba o pantransportasyon para sa pagkuha ng confidential na impormasyon ₱10 milyon

Batay dito, sinabi ng COA na mali ang paggamit ni Duterte sa sumusunod:
Pabuya ₱10 milyon
Pabuya (various goods) ₱34.857 milyon
Pabuya (gamot) ₱24.930 milyon
Bayad para sa mga mesa, upuan, komyuter at printer ₱3.5 milyon

Bigo si Duterte na magbigay ng katibayan na naganap ang pagbibigay ng pabuya sa anyo ng pera, mga bilihin at gamot. Gayundin, di saklaw ng CIF ang pagbibili ng mga gamit pang-upisina, ayon sa COA.

“Malinaw na umasa si Duterte sa kunwa’y pagiging sikreto ng confidential funds para itago ang kanyang iligal na paggamit sa pera ng bayan,” ayon kay Castro. “Kaming nasa Makabayan ay naninindigan na dapat tanggalin na ang confidential funds dahil ang mga sikretong discretionary (walang takdang paggagastusan) na pondong ito ay talagang madaling kurakutin.”

Binatikos din ni Castro ang pagtanggi ni Duterte na sumagot sa mga tanong sa pagdinig ng badyet ng kanyang upisina.

“Di naman pwedeng gagawa ng kalokohan tapos pababayaan na lang, dapat may pananagutan,” aniya.

AB: Anomalya sa CIF, maaring batayan ng impeachment kay VP Duterte