Balita

Bahagyang pagbagal ng implasyon, walang katuturan sa mga Pilipino

,

Ipinagmamalaki ng Philippine Statistics Authority (PSA) na bahagyang bumagal ang implasyon mula 7.2% sa Abril tungong 6.8% noong Mayo. Pero wala itong katuturan para sa mga Pilipino na patuloy na umiinda ng matataas na presyo ng pagkain, at singil sa transportasyon at serbisyo. Kahit bumaba ang implasyon, patuloy pa rin ang pagtaas ng mga presyo ng batayang mga kalakal at serbisyo, kahit pa mas mabagal lamang ang pagtaas ng mga ito kumpara sa nakaraang buwan.

Bahagyang bumaba ang presyo ng mga produktong petrolyo dulot ng pagbubukas muli ng Iran sa Strait of Hormuz matapos pumasok ito at ang US sa isang kasunduan para sa tigil-putukan at pagtatapos ng sigalot. Gayunpaman, nananatiling napakataas ng presyo ng langis noong Mayo, na 50% mas mataas kumpara noong Pebrero, bago pumalo ang “oil shock” kasunod ng paglusob ng US sa Iran.

Samantala, lalo pang sumirit ang implasyon ng bigas mula 13.7% noong Abril tungong 15.6% noong Mayo. Ayon sa datos ng estado, ang dating ₱45.54/kilong bigas noong Pebrero, ay naging ₱47.24-₱50.00 noong Abril at tumaas pa hanggang P54/kilo noong Mayo. Mabilis din ang pagtaas ng presyo ng harina, mais at iba pang mayor na pinagkukunan ng calories (enerhiya) ng karaniwang mamamayan.

Tumaas ang singil sa mga yutilidad, lalo na sa kuryente na umarangkada mula 8.3% tungong 8.9%. Idinadahilan ng mga kumpanya ng kuryente ang mas mataas na palitan ng dolyar sa piso, mas mataas na singil sa paglikha ng enerhiya, at ang sagad na kapasidad ng mga power grid. Galit at dismayado ang maraming Pilipino dahil sa gitna ng walang habas na pagtaas ng singil, madalas silang nawawalan ng kuryente dahil sa palpak na mga planta.

Walang pagbabago sa sahod

Sa kabila ng walang patid na pananalasa ng implasyon mula pa noong Marso, wala pa ring makabuluhang pagtaas sa sahod at sweldo ng mga manggagawa at empleyado. Malaking-malaki ang agwat sa pagitan ng karaniwang sadhod na ₱510/araw at ng nakabubuhay na sahod na nasa ₱1,312/araw noong Abril. Walang aksyon ang rehimeng Marcos para agapan ang matarik na pagbagsak ng kabuhayan ng mga Pilipino dulot ng “oil shock.” Nito na lamang Mayo “ibinukas” ng mga regional wage board ang kanilang mga upisina sa mga petisyon para sa dagdag-sahod. Ang mga dagdag-sahod na ipinatutupad ng mga ito nitong unang hati ng taon ay pawang mga “second tranche” o pangalawang bigayan sa dagdag-sahod noong nakaraang taon. Nasa abereyds lamang ang mga ito sa P10-P20/araw.

Maging sa pribadong sektor, nananatiling barat ang mga iniaalok na dagdag-sahod ng mga kapitalista sa mga unyong kasalukuyang nasa negosasyon para sa kanilang Collective Bargaining Agreement (CBA). Barya-barya lamang ang iniaalok ng mga kapitalista na dagdag sahod sa mga CBA na mabilis na nilalamon ng pagsirit ng implasyon.

Walang iniaalok na makabuluhang tulong ang rehimeng Marcos sa mga manggagawang bawas na bawas ang kita sa harap ng krisis, o tuluyang nawalan ng trabaho dahil sa nagmamahal na operasyon ng mga kumpanya. Ang tanging alok nito ay isahang bigay na ayuda na sasagot lamang sa ilang araw na pangangailangan ng kanilang mga pamilya. Matigas na tumanggi ang rehimen na magpatupad ng across-the-board na dagdag-sahod para sa mga manggagawa sa pribadong sektor, karagdagang sweldo sa mga kawani ng gubyerno, o dagdag-pamasahe para naman madagdagan ang kita ng mga tsuper na lubhang apektado ng mahal na krudo.

AB: Bahagyang pagbagal ng implasyon, walang katuturan sa mga Pilipino