Balitang engkwentro sa Negros Occidental, pinasinungalingan

Pinasinungalingan ngayong araw ng Bagong Hukbong Bayan (BHB)-Southwest Negros ang pinalalabas na engkwentro ng 15th IB sa isang yunit ng hukbong bayan sa Barangay Yaoyao, Cauayan, Negros Occidental noong Nobyembre 7. Kinumpirma ng grupo sa karapatang-tao na September 21 Movement-South Negros na parehong sibilyan ang pinaslang ng 15th IB.

“Walang engkwentrong naganap,”ayon sa September 21 Movement-South Negros. “Una nang nakita ng mga residente na may dalawang sibilyan na dala ang militar at pumasok sa gubat.” Kasunod umano nito, nakarinig na lamang ang mga residente ng sunud-sunod na putok, dagdag ng grupo.

Pinalalabas ng 15th IB na napatay ang dalawa sa 10-minutong palitan ng putok. Nagpakana pa ito na nakumpiska sa engkwentro ang isang ripleng baby M16, kalibre .45 pistola, mga magasin at bala, pampasabog at bakpak.

Para ibayong maghasik ng takot at sindakin ang mga residente, nagtayo ng maraming tsekpoynt ang mga sundalo at pulis sa naturang barangay. Militarisado rin ang katabing mga barangay nito na barangay Caliling at Masaling.

“Hindi na bago ang ganitong taktika ng militar na pagpapalabas ng pekeng engkwentro para makapagtala ng mga tagumpay at para kumita,” ayon pa sa grupo. Kasalukuyan pang nag-iimbestiga ang grupo sa nangyaring insidente at alamin ang pagkakakilanlan ng mga biktima.

Batid ng mga residente sa lugar ang maruming taktika ng ekstrahudisyal na pagpatay ng mga sundalo sa sibilyan.

AB: Balitang engkwentro sa Negros Occidental, pinasinungalingan