Balita

'Bantay Impeachment,' inilunsad ng mga demokratikong grupo at sektor

,

Mahigit 120 kinatawan ng iba’t ibang grupong kontra-korapsyon, mga samahang sibiko-sosyal, taong-simbahan, kabataan at iba pang sektor ang nagsama-sama noong Hunyo 13 sa Quezon City para ilunsad ang kampanyang “Bantay Impeachment.” Layunin ng kampanya na isulong ang pananagutan, transparency, at partisipasyon ng publiko sa mga paglilitis sa impeachment laban kay Vice President Sara Duterte. Pinangunahan ng Kilusang Bayan Kontra Kurakot (KBKK) ang paglulunsad ng kampanya.

Ayon sa mga grupo, napapanahon ang paglulunsad ng kampanya sa gitna ng kawalan ng katiyakan sa pag-usad ng paglilitis sa Senado. Sa nagdaang buwan, naganap ang salpukan ng mga senador na nagdulot ng krisis sa pamunuan ng senado. Bahagi ito ng pagtatangka ng maka-Duterteng pangkatin sa senado na iantala, idiskaril o pahinain ang proseso ng impeachment.

Tinalakay sa pagtitipon ang mga layunin at plano ng Bantay Impeachment. Pangungunahan nito ang kampanyang edukasyon at talakayan sa mga komunidad, pagmomonitor sa impeachment at estratehikong komunikasyon, at mobilisasyon ng mamamayan. Samantala, nagpahayag sila ng pagkabahala sa mga pagtatangkang baluktutin ang katotohanan at magpakalat ng maling impormasyon kaugnay ng impeachment.

Dumalo sa pagtitipon ang ilan sa mga myembro ng tim sa prosekusyon ng House of Representatives kabilang sina Rep. Joel Chua at Rep. Terry Ridon. Lumahok din sa aktibidad si Kabataan Rep. Atty. Renee Co, isa sa mga tagapagsalita ng mga prosekyutor. Ibinahagi nila ang ilang mga detalye ng kaso at idiniin na napakahalaga ang pagbabantay ng publiko sa takbo ng mga pagdinig.

Maglulunsad ang Bantay Impeachment ng mga porum, talakayan, mga explainer, inisyatiba sa fact-checking, pagsusuri sa pagdinig at mga koordinadong kilos-protesta. Naghahanda sila para sa isang malawakang mobilisasyon sa Hulyo 6, ang nakatakdang pagbubukas ng mga pagdinig sa impeachment.

“Sa huli, ang paglilitis sa impeachment ay tungkol sa karapatan ng mamamayang Pilipino sa katotohanan, pananagutan, at katarungan,” ayon sa mga organisador. Anila, sa tuwing dinadambong ang pondo ng bayan at sinisira ang tiwala ng publiko ay karaniwang mamamayan ang pamalagiang nagdurusa.

Nanawagan ang Bantay Impeachment sa mga mamamayan, organisasyon, institusyon at mga sektor na lumahok sa kampanya at aktibong bantayan ang proseso ng impeachment at pagpapanagot sa mga upisyal. “Habang nagaganap ang paglilitis sa impeachment, masugid tayong magmamatyag, magsasalita laban sa mga pagtatangkang isabotahe ang proseso, at tiyaking mangingibabaw ang katotohanan at katarungan,” pahayag ng mga organisador.

AB: 'Bantay Impeachment,' inilunsad ng mga demokratikong grupo at sektor