Barkong palulubugin sa Balikatan 2025, kusang lumubog bago pa maputukan
Katawa-tawa ang Armed Forces of the Philippines (AFP) at US Armed Forces sa plano nitong maritime strike o war games ng pagpapalubog sa lumang BRP Miguel Malvar (PS-19) noong umaga ng Mayo 5. Ilang oras bago ang pagpapasabog dito, kusang lumubog ang barko sa 30 nautical miles sa kanluran ng San Antonio, Zambales.
Ang pagpapalubog sa barko ay bahagi ng Balikatan 40-25. Pangatlong barko na itong palulubugin sa war game sa nakaraang mga taon.
Para sa planong pagpapalubog sa BRP Malvar, gagamit sana ang AFP ng FA-50PH fighter jet at ng mga A-29B “Super Tucano” attack aircraft at ng fast-attack interdictor craft, na magpapaputok ng mga Spike Non-Line of Sight missile. Gagamitin din sana nito ang guided missile frigate BRP Antonio Luna (FF-151) na mayroong LIG NEX 1 C-Star sea-skimming surface-to-surface cruise missile system. Magpapakawala rin sana ng mga rocket ang US gamit ang kanilang mga bomber plane, mga F-16 at F-18 fighter jet. An mga armas na ito ay mag-iiwan ng mga kemikal at dumi na sisira sa mga rekursong dagat.
Bilang panghalili, magsasagawa na lamang umano ang US at Pilipinas ng simulated na marine strike at hindi na aktwal na magpapasabog ng mga anti-ship missile.
Sa pagsisimula ng Balikatan 40-25 noong Abril 21, binatikos ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan) ang rehimeng Marcos sa pagpapakatuta nito sa imperyalismong US. Anang grupo, walang pakinabang ang mga Pilipino sa Balikatan laluna at magastos ito, gumagambala sa populasyon, banta sa pambansang seguridad, at pagyurak sa soberanya ng Pilipinas.
Tatagal ang Balikatan 40-25 hanggang Mayo 9. Hindi bababa sa 17,000 tropang Amerikano at Pilipino ang lumalahok sa war games, kasama ang daan-daang mga sundalong Japanese at Australian. Sa imbitasyon ng rehimeng Marcos, nagsisilbing tagamasid sa war games ang mga kinatawan at upisyal militar ng 16 pang ibang mga bansa.
Para bigyang daan ang mga war games, ilang ulit na nagpatupad ng “no-sail zone” ang lokal na gubyerno. Kabilang dito ang dalawang beses nang pagbabawal pumalaot sa mga mangingisda sa Zambales noong Abril 25-27 at Mayo 5-6, at sa Cagayan noong Mayo 3-4.