Batas kontra dinastiyang pampulitika, itinutulak
Nagsampa ng petisyon sa Korte Suprema ang iba’t ibang mga grupo noong Marso 31 para hilingin itong itulak ang Kongreso ng Pilipinas na magpasa ng isang batas na maglalarawan at magbabawal sa dinastiyang pampulitika sa bansa. Ayon sa petisyon, matagal nang dapat na nagpasa ng ganoong batas ang Kongreso alinsunod sa nakasaad sa Konstitusyong 1987.
Inihain ang petisyon nina dating Associate Justice Antonio Carpio na kumakatawan sa 1Sambayan Coalition, dating Ombudsman Conchita Carpio Morales, Advocates for National Interest (ANI), UP Law Class 1975, Sanlakas, mga propesor, at apat na obispo at pitong pari ng Simbahang Katolika. Tinukoy na mga respondent sa petisyon sina Senate President Chiz Escudero, at House Speaker Martin Romualdez para sa dalawang kapulungan ng Kongreso.
Ayon sa petisyon, apat na dekada nang umiiral sa bansa ang isyu ng dinastiyang pampulitika ngunit tampok na tampok ang kawalang aksyon ng Kongreso hinggil sa usaping ito. Anang mga grupo, kontra at labag ang ganitong kalakaran sa konstitusyon ng Pilipinas at lubha itong nagdulot ng tumitinding kahirapan sa Pilipinas.
Nakasaad sa sa Artikulo 2, Seksyon 26 ng konstitusyon na “dapat seguruhin ng Estado ang pantay na pag-uukol ng mga pagkakataon para sa lingkurang pambayan, at ipagbawal ang mga dinastiyang politikal ayon sa maaaring ipagkahulugan ng batas.”
Anang mga nagpetisyon, ang gubyerno ngayon ay puno ng mga upisyal na “swerte” lamang sa pamilyang pinagmulan kaya nahalal sa halip na mga mayroong kwalipikadong karakter at kahusayan sa paglilingkod sa gubyerno.
Para sa mga kinatawan ng Koalisyong Makabayan sa House of Representatives, matagal nang dapat nakapagpasa ng ganoong batas sa Pilipinas. Ilang ulit na nilang pinangunahan ang pagpapanukala nito sa House of Representatives ngunit hindi makalusot para maging batas.
Sa ika-19 na Kongreso, inihain ni Kabataan Party-list Rep. Raoul Manuel ang House Bill 1157 o Anti-Political Dynasty Bill na nagbabawal sa kandidatura ng asawa o kahit sinong kadugo, hanggang sa ikalawang antas, ng halal na upisyal. Malinaw na isinaad sa panukala ang mga limitasyon para hindi makalusot ang mga dinastiyang pampulitika.
“Long overdue na task ng Kongreso na isabatas ‘yan. Pero syempre, dahil sa pag-dominate ng mga political dynasty sa legislative branch natin, kaya hindi talaga ‘yan sumusulong,” pahayag ni Rep. Manuel.
Ayon naman kay Gabriela Women’s Party Rep. Arlene Brosas, kandidato sa pagkasenador ng Makabayan, “iyon talaga ang gusto nating mangyari, magkaroon talaga ng batas.” Kaya naman, tahasan niyang hinamon si Pangulong Ferdinand Marcos Jr, ngayo’y pinakamataas na upisyal ng dinastiyang Marcos, na “talagang ipasa, magpasa ng ganitong batas na kinakailangan ng ating mamamayan.”
Matatandaan na noong 2022 ay malinaw na kinontra ni Marcos ang ideya ng pagkakaroon ng batas kontra dinastisyang pampulitika. Sa katunayan, ang sinusuportahang mga kandidato sa pagkasenador ng administrasyong Marcos ay pawang mula sa mga dinastiyang pampulitika, pamilya ng mga panginoong maylupa, burgesyang kumprador at burukratang kapitalista.
Sa isang pag-aaral ng mga propesor mula sa Ateneo School of Government noong 2019, lumaki ang porsyento ng mga “matatabang” dinastiya o iyong mayroong sabay-sabay ng magkakapamilyang nasa poder mula 19% noong 1977 tungong 29% noong 2017.
Sinabi sa pag-aaral na noong 2001, mayroong 1,303 pamilyang pampulitika na may tig-dalawang myembro na nasa poder, 257 pamilya na mayroong tig-tatlo sa poder, at 157 pamilya na mayroong tig-apat o higit pa. Lumaki pa ito noong 2019 tungong 1,548 na may tig-dalawa, 339 na may tig-tatlo at 217 na may tig-apat o higit pa.