Bidyo at ulat ng Philippine Collegian sa Facebook, binura ng Meta
Kinundena ng Philippine Collegian, pahayagang pangkampus sa Unibersidad ng Pilipinas-Diliman, at ng College Editors Guild of the Philippines (CEGP) ang pagbura ng Meta sa ipinaskil na ulat at bidyo ng pahayagan noong Marso 30 sa Facebook. Ayon sa Meta, may-ari ng Facebook, tinanggal ang ulat dahil sa diumano’y paglabag sa “community rules.”
Ang bidyo at ulat ng Philippine Collegian ay tungkol sa martsa ng mga rebolusyonaryong organisasyon na alyado ng National Democratic Front sa kampus ng UP Diliman. Sa ulat ng pahayagan, inilunsad ng naturang mga grupo ang martsa bilang paggunita sa anibersaryo ng Bagong Hukbong Bayan.
Sa pabatid na inilabas ng patnugot ng Philippine Collegian, sinabi ng Meta sa kanila na binura ang bidyo dahil naglalaman ito ng “simbolo, papuri o suporta sa mga tao o organisasyon na inilalarawan ng Meta bilang mapanganib.” Liban sa pagtanggal sa bidyo, ginawang “hindi rekomendado” ang FB page ng pahayagan bilang parusa sa diumano’y paglabag nito sa mga patakaran ng kumpanya.
Tinawag ng pahagayan na “tahasang hakbang sa pagsesensura” ang ginawa ng Meta. Naghahanap ngayon ang pahayagan ng ibang paraan para labanan ito.
“Ito ang katotohanan [ang ulat na inilabas], at ang paghihigpit sa mga pahayagang pangkampus sa mga kritikal nitong pag-uulat ay sumasagka lamang sa karapatan ng mamamayan sa impormasyon kahit sa mga platapormang digital,” ayon kay Brell Lacerna, tagapagsalita ng CEGP.
Naniniwala si Lacerna na hindi mali ang pagbabalita ng pahayagan sa usapin ng armadong pakikibakang umiiral sa Pilipinas at lehitimong mga dahilan sa likod nito.
Kung ang layunin umano ng Meta sa pagsesensura ay mawakasan ang armadong pakikibaka sa Pilipinas, nagkakamali ito. “Hindi simpleng mawawakasan ng Meta, o kahit ng estado, ang armadong pakikibaka sa pagsesensura [sa mga balita kaugnay nito] sa mga plataporma nito,” ayon sa kanya.
Samantala, binatikos ni Lacerna ang pagpapahintulot ng Meta sa disimpormasyon at “terror tagging” o pagbabansag na terorista na naglipana sa Facebook na isinasagawa ng mga pahinang pinopondohan at pinatatakbo ng estado. Karaniwang tinatarget nito ang mga ligal na organisasyong masa at kanilang mga myembro. Aniya, malinaw na ang mga iyon ang maituturing na “hindi makatotohanan at mapanganib.”