Balita

Bilanggong pulitikal na tapasero sa tubuhan, nakalaya matapos ang 6 taon

, ,

Nakalaya mula sa anim na taong pagkakakulong ang 28-anyos na tapasero sa tubuhan na si Jason Abria noong Marso 6 matapos ibasura ng Regional Trial Court 7 Branch 64 sa Guihulngan City, Negros Oriental ang kasong pagpaslang na isinampa laban sa kanya. Inilabas ng korte ang desisyon noong Pebrero 28.

Si Abria, residente ng Barangay Luz, Guihulngan City, ay inaresto ng mga pwersa ng estado noong Abril 1, 2019 habang nagtatapas sa Barangay Sibucawan, Isabela, Negros Occidental. Dinakip kasama niya ang 10 iba pa kung saan apat silang ikinulong sa paratang na pagpaslang kay Jolomar Hilario, konsehal sa bayan ng Moises Padilla, noong Marso 2019.

Inakusahan ang apat na mga kasapi ng Bagong Hukbong Bayan (BHB)-Central Negros (Leonardo Panaligan Command), na nagpataw ng parusang kamatayan kay Hilario dahil sa pagsisilbing aset sa paniktik ng militar. Samantala, 10 iba pang mga indibidwal, kabilang ang ilang mga lokal na pulitiko ang idinawit sa naturang kaso.

Ikinalugod ng Human Rights Advocates Negros (HRAN) ang pagkakabasura ng kaso bagaman napakatagal nang panahon na nakulong si Abria. Ang mga kasama niyang nadakip na kapwa tapasero na sina Raymond Gabitanan, Richard Sarillo at Roel Sarillo ay hindi pa nakalaya dahil sa kinahaharap na apat na karagdagang mga kasong kriminal. Ayon sa grupo, isinampa ang mga gawa-gawang kasong ito sa panahong nakakulong na ang mga biktima.

Samantala, ang mga idinawit na pulitiko ay dati nang nakalaya nang makapagpyansa sa kinahaharap na kaso.

Ayon sa desisyon ng korte, ibinasura ang kaso dahil sa “kawalan ng interes” ng nagreklamo na ituloy pa ang kaso. Kinatigan nito ang inihain na “motion to dismiss” na isinampa ng mga abugado.

Patuloy ang panawagan ng HRAN sa palayain ang lahat ng mga bilanggong pulitikal sa buong rehiyon ng Negros Island. Anito, nananatiling mayroong 110 bilanggong pulitikal sa rehiyon na 20% ng kabuuang bilang sa buong bansa. Karamihan sa mga bilanggong ito ay nakakulong sa Negros Occidental District Jail sa Bago City, Negros Occidental, kung saan nakulong si Abria, at sa Guihulngan City District Jail sa Negros Oriental.

AB: Bilanggong pulitikal na tapasero sa tubuhan, nakalaya matapos ang 6 taon