Balita

Pagbisita ni Marcos sa Batangas, sinalubong ng protesta ng mga magsasaka

,

Naglunsad ng protesta ang mga magsasaka ng Batangas bilang pagsalubong sa pagdating ni Ferdinand Marcos Jr sa bayan ng Tuy noong Setyembre 15. Binatikos nila ang laganap na katiwalian at korapsyon sa ilalim ng rehimeng Marcos.

Sa pangunguna ng Alyansa ng mga Magsasaka para sa Kumpensasyon (AMK) at Sugarfolks Unity for Genuine Agricultural Reform (Sugar)-Batangas, papunta sana ang mga magsasaka sa palengke ng Tuy sa Barangay Rillo ngunit hinarang sila ng mga pulis ng Tuy Municipal Police Station (MPS).

Walang kahit anong dokumentong ipinakita ang mga pulis sa isinagawang tsekpoynt at pagharang sa mga kalahok sa protesta. Kinumpiska pa ng mga pulis ang megaphone at mga plakard ng mga grupo na gagamitin sana sa pagkilos.

“Ano ho bang masama sa aming pagpapahayag? Peaceful assembly naman ho ang aming gagawin, hindi kami manggugulo,” ayon kay Charlie Lopez, tagapangulo ng Sugar-Batangas. Dagdag niya, pagkakataon din sana ang protesta sa Tuy para harapang maipaabot kay Marcos ang matagal na nilang mga panawagan para sa kumpensasyon at subsidyo sa produksyon.

Dahil dito, natulak ang mga grupo na isagawa ang pagkilos sa Barangay Munting Tubig, Balayan. Matapos ang programa, sinundan pa ng mga pulis ang mga lumahok sa protesta at ginipit hanggang sa upisina ng AMK at Sugar-Batangas.

Binatikos ni Ayrene Marasigan, tagapagsalita ng AMK, ang pagmamanman at panggigipit sa kanila ng mga pulis. “Bakit kailangan kaming i-surveillance matapos ang aming mapayapang programa? Buwis naming mga magsasaka at mamamayan ang nagpapasahod ho sa inyo. Ang mga sangkot sa korapsyon ang inyong bantayan at tiyaking makulong,” aniya.

Si Marcos ay nagtungo sa bayan ng Tuy para makibahagi sa pagbubukas ng itinayong solar powerplant ng Citicore Renewable Energy Corporation. Sinakop ng planta ang 400 ektarya ng lupain sa barangay Lumbangan at Luntal.

Nagtatago sa likod ng palasak na “malinis na enerhiya” ang solar powerplant na nagpalayas sa mga magsasaka at nang-angkin sa kanilang mga lupa. Pamilyang Tan ang may hawak ng planta na nagsusuplay ng kuryente sa Emperador at Tanduay Distillery sa Balayan at Lian. Ang dalawang kumpanya ay pag-aari rin ng mga Tan.

AB: Pagbisita ni Marcos sa Batangas, sinalubong ng protesta ng mga magsasaka