Buwan ng Kababaihan, sinalubong ng mga protesta

,
Ang artikulong ito ay may salin sa English

Magkakasabay na kilos protesta ang isinagawa ng kababaihan sa ilalim ng Gabriela noong Marso 1 sa pagsisimula ng Buwan ng Kababaihan. Panawagan nila: Kabuhayan, Karapatan, Kasarinlan, hindi chacha ng dayuhan at iilan!

Sa araw na ito, nagtungo ang mga myembro ng Gabriela Youth, kasama ang iba pang grupo ng kabataan, sa Mendiola sa Maynila para ipahayag ang kanilang pagtutol sa charter change ng rehimeng Marcos.

Binatikos nila ang planong pagpapahintulot sa 100% pagmamay-ari sa mga institusyong pang-edukasyon ng mga dayuhan, na anila’y lalong magpapahina sa integridad at awtonomiya ng mga paaralan.

“Hindi kami papayag na lalamunin ng mga dayuhang korporasyon ang sistema ng edukasyon,” ayon sa Gabriela Youth.

Nagkaroon ng katulad na pagkilos sa loob ng University of the Philippines-Los Baños na pinangunahan ng Gabriela Youth-UPLB. Ayon sa grupo, ang pagkilos ay pakikiisa sa itinakdang Purple Day of Action.

Kasabay nito, naglunsad ng sayaw-protesta ang kababaihang manggagawa sa ilalim ng Women Workers United at Kilusang Mayo Uno para sa sahod, trabaho, karapatan at pagwawakas sa karahasan sa paggawa.

Nagprotesta naman ang mga myembro ng Gabriela Womens’ Party (GWP) laban sa sunud-sunod na pagtaas ng presyo ng mga pampublikong yutilidad. Binatikos nila ang rehimeng Marcos sa pag-atupag sa chacha imbes na tugunan ang mga usaping ito na nagpapahirap di lamang sa kababaihan kundi sa buong mamamayan.

“Mahaba ang naging karanasan ng bansa kaugnay sa foreign direct investment at puro matatamis ngunit nakapakong pangako ang mga sinabing gagawin nito. Mahal pa rin ang bilihin, serbisyo at utilities gaya ng kuryente at tubig. Dumapa pa nga, kundiman nawala nang tuluyan, ang mga lokal na industriya,” ayon kay GWP Rep. Arlene Brosas.

AB: Buwan ng Kababaihan, sinalubong ng mga protesta