CIDG, nasa likod ng pagdukot sa Taytay 2

,

Napag-alaman ng mga grupong naghahanap sa Taytay 2 o kina Dexter Capuyan at Gene Roz Jamil de Jesus, pawang mga tagapagtanggol ng karapatan ng katutubo sa Cordillera, na ang mga ahente ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang nasa likod ng pagdukot sa kanila noong Abril 28 ng gabi sa Golden City, SM Hypermarket sa Taytay, Rizal. Ayon sa mga ulat, ang dalawa ay sapilitang pinasakay ng mga ahente ng estado sa dalawang sasakayan.

Naghalughog na ang mga grupo sa karapatang-tao sa mga kampo ng militar at pulis sa National Capital Region, Southern Tagalog at Baguio City para hanapin ang dalawa. Sa kabila nito, walang nakuhang impormasyon ang mga grupo sa kinaroroonan nila. Dismayado din sila sa pagbalewala ng Camp Allen sa Baguio City sa mga sulat ng mga pamilya ng biktima.

Kasabay nito, nagsampa rin ang mga kaanak ng reklamo at pagdulog ng tulong sa paghahanap sa panrehiyong upisina ng Commission on Human Rights sa Cordillera.

“Matapos naming malaman na ang mga nawawalang indibidwal ay dinukot ng mga operatiba ng estado ay higit na nagiging kagyat ang aming apela na ilitaw sila,” ayon sa pahayag ng grupong “Surface Dexter and Bazoo!”

Giit nila na kagyat na isiwalat ang kinaroroonan ng dalawa at pakawalan sila nang ligtas.

“Hindi ako makatulog sa gabi. Parati akong nag-aalala kung nakakakain siya ng tama. Nangangamba akong sinasaktan ng mga dumukot sa kanya ang aking anak. Ang tanging hiling ko ay ang ligtas na pag-uwi ng aking anak,” pahayag ng 89 taong gulang na ina ni Capuyan. Kabilang siya sa mga humarap at dumulog sa upisina ng panrehiyong pulis sa Cordillera.

Labis ang pag-aalala ng mga kaanak at ng CHRA sa kalagayan at kaligtasan ng dalawa dahil si Capuyan ay inakusahan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na lider umano ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) sa rehiyong Ilocos-Cordillera at may patong sa ulo na ₱1,850,000.00 para sa kanyang pagkakadakip. Idinadawit siya sa mga kaso ng pagpatay, bigong pagpatay at tangkang pagpatay.

AB: CIDG, nasa likod ng pagdukot sa Taytay 2