Dagdag buwis sa tubig dulot ng pribatisasyon sa Bacolod, pinatatanggal

,

Sumugod at nagprotesta ang mga grupong AMLIG-Tubig at Bagong Alyansang Makabayan (Bayan)-Negros sa Bacolod Government Center noong Enero 4 ng umaga para igiit kay Bacolod City Mayor Albee Benitez na tanggalin ang 12% Value-added tax sa yutilidad na tubig na siningil matapos ang pribatisasyon ng Bacolod City Water District (Baciwa).

Ang Baciwa ay pumasok sa isang Joint Venture Agreement (JVA) o kasunduan sa PrimeWater na pag-aari ng pamilyang Villar noong Nobyembre 2020. Ito ang naging dahilan ng paniningil ng dagdag buwis sa mga konsyumer, ayon sa grupong Bayan-Negros.

Ayon sa Bayan-Negros, lugmok na nga ang mga pamilya sa mataas na presyo ng pagkain, petrolyo at ibang batayang bilihin kaya lalong pahirap sa kanila ang 12% VAT sa bayarin sa tubig. Panawagan nila, dapat itong kagyat na tanggalin ng lokal na gubyerno.

Ang kasunduan sa pagitan ng Baciwa at PrimeWater ay tatagal nang 25 taon.

“Hindi makatarungan na gumagastos nang malaki ang mga pamilya para sa tubig, na isang mahalaga at batayang karapatang-tao,” pagdidiin ng grupo. Sa isang resolusyon ng Sangguinang Panglungsod, kinikilala nitong isang Government Owned and Controlled Corporation (GOCC) ang Baciwa na hindi dapat sinisingil ng dagdag buwis.

“Kaya naman, ang pagpapataw ng VAT ay pag-amin ng Baciwa na isinapribado ito sa ilalim ng JVA,” dagdag ng grupo. Muling iginiit ng grupo ang kanilang pagtutol sa JVA at pribatisasyon ng Baciwa na wala namang nagawa para paunlarin ang serbisyo sa tubig sa syudad.

Iniulat pa nga nitong nakaraan ng maraming konsyumer ang “lumulubhang serbisyo at tumataas na bayarin sa tubig.”

Ayon kay Berlita Ante ng grupo ng maralita na Kadamay-Negros, “dapat gumawa ang hakbang ang lokal na gubyerno para tanggalin ang buwis para pagaanin ang kahirapang dinaranas namin.”

Dumalo sa protesta ang kinatawan ng Bacolod City Water District Employees Union at Social Action Center para maghatid ng pakikiisa.

Dagdag dito, hindi pa ipinababalik sa trabaho ang 59 na iligal na tinanggal na empleyado ng Baciwa sa kabila ng atas ng Civil Service Commission. Dapat din silang bayaran nang buong mula nang tanggalin sila hanggang sa aktwal na pagbabalik sa kanila sa trabaho.

AB: Dagdag buwis sa tubig dulot ng pribatisasyon sa Bacolod, pinatatanggal