Dagdag-sahod sa North Mindanao at iba pa, sobrang kulang
Malayong kulang sa pangangailangan ng pamilyang Pilipino ang pahabol na mga dagdag sahod ng ilang rehiyon para sa 2024. Pinakahuli sa mga pagtaas ang ₱23/araw na dagdag sahod para sa mga manggagawang hindi agrikultural at ₱35/araw para sa mga manggagawa sa agrikultura na iginawad ng regional wage board ng Region 10 (North Mindanao). Kung masusunod, aabot lamang sa ₱446 hanggang ₱461 ang bagong arawang sahod sa rehiyon. Samantala, aabot lamang sa ₱7,000 kada buwan ang sahod ng mga kasambahay matapos ipag-utos ang dagdag na ₱1,000 kada buwan. Magkakabisa ang dagdag sahod mula Enero 12, 2025.
“Ipinakikita ng mga adjustment na ito ang kakulangan ng pagtatakda ng sahod kada rehiyon sa pagtugon sa lumalalang krisis sa ekonomya na hinaharap ng mga manggagawang Pilipino,” pahayag ng dating kongresista na si Atty. Carlos Isagani Zarate, pambansang pangalawang pangulo at pangalawang nominado ng Bayan Muna Partylist. Dahil bigo ang mga panrehiyong wage board na tugunan ang kahirapan na pare-parehong dinaranans ang mga manggagawa sa buong bansa, nagiging mas kagyat ang panawagan para sa isang pambansang minimum wage, aniya.
Matagal nang binabatikos ng mga organisasyong manggagawa ang rehionalisasyon ng sahod, na nagbubunga sa hindi pagkakapantay-pantay at institusyunalisasyon ng kahirapan. Dagdag dito, sinasamantala ng mga kapitalista ang mga pagkakaiba sa sahod kada rehiyon para higit pang ilugmok sa hirap ang mga manggagawa labas sa pambansang kabisera.
“Dapat ang mga pagtaas ng sahod ay sapat na makabuluhan upang magbigay ng marangal na pamantayan ng pamumuhay. Kailangan natin ng agarang reporma upang itaas ang kalagayan ng mga manggagawa at protektahan ang kanilang mga karapatan sa harap ng patuloy na hamon sa ekonomiya,” dagdag ni Zarate.
Ayon sa Department of Labor and Employment (DOLE), 14 rehiyon ang nagdagdag na sahod sa kani-kanilang saklaw ngayong 2024. Ang mga ito ay mula lamang ₱21 hanggang ₱75. Samantala, siyam na rehiyon ang naggawad ng dagdag-sahod sa mga kasambahay, na mula ₱500-₱1000/buwan.
Nananatiling napakalayo sa nakabubuhay na sahod ang mga halagang nabanggit. Ayon sa Ibon Foundation, kailangan ng minimum na ₱1,200/araw ang isang 5-kataong pamilya para mabuhay nang disente. Wala pang regional wage board ang tumugon sa pangangailangang ito.
| Rehiyon | Minimum na dagdag-sahod | Nagkabisa |
|---|---|---|
| Metro Manila (NCR) | ₱35 | Hulyo 17, 2024 |
| Ilocos Region | ₱33 | Nobyembre, 7 2024 |
| Cagayan Valley | ₱30 (two tranches) | Abril 1, 2024 |
| Central Luzon | ₱27-₱66 | Disyembre 2024 |
| CALABARZON | ₱21-₱75 | Setyembre 30, 2024 |
| MIMAROPA | ₱35 | Disyembre 22, 2024 |
| Central Visayas | ₱33-₱43 | Oktubre 2, 2024 |
| Western Visayas | ₱33-₱35 | Nobyembre 17, 2024 |
| Eastern Visayas | ₱30 | Disyembre 2, 2024 |
| Davao Region | ₱38 | Disyembre 2024 |
| Zamboanga Peninsula | ₱35 | Disyembre 2024 |
| Northern Mindanao | ₱23-₱35 | Enero 2025 |
| Caraga | ₱35-₱15 (two tranches) | Enero 2, 2025/Mayo 1, 2025 |
| BARMM | ₱20 | Pebrero 28, 2024 |
| Soccsksargen | ₱27-₱48 | Oktubre 17, 2024 |