Balita

Dagdag singil ng Meralco, ipinababasura

Ipinababasura ng Bayan Muna partylist ang P0.1055 kada kilowatt hour (kwh) na dagdag singil na ipinataw ng Meralco Manila Electric Company (Meralco) sa mga konsyumer noong nakaraang linggo. Ito na ang ikaanim na buwang magkakasunod na nagpataw ng dagdag singil ang Meralco. Ito ay katumbas ng dagdag na P21 kada buwan para sa ordinaryong mga residente na kumokonsumo ng 200 kWh kada buwan.

Sa isang pahayag noong Setyembre 14, sinabi ni Bayan Muna Rep. Carlos Isagani Zarate na “niloloko” lamang ng Meralco ang mga konsyumer sa pagsasabi nitong ang dagdag singil ay dulot na pagtaas ng gastos sa pagpoprodyus ng enerhiya ng mga power generation companies (GenCos). Iginiit niya na sa aktwal ay buo o di kaya’y parsyal na pagmamay-ari rin ng Meralco ang kalakhan ng mga GenCos na nagsusuplay ng enerhiya sa kumpanya.

Ani Zarate, “sa aktwal ay mapupunta lamang ang malaking bahagi ng umano’y mga “pass-on charge” sa bulsa ng Meralco sa pamamagitan ng mga GenCos nito.” “Ang dagdag singil ay tiyak na isa na namang dagdag pasanin sa mga konsyumer na kinukuryente na ngayon ng sumisirit na mga presyo ng mga batayang pangangailangan dulot ng krisis na pinalubha ng pandemya,” dagdag pa niya.

Ang pagtaas ay pang-anim na sa nakaraang anim na buwan. Bago nito, nagtaas ang Meralco ng singil nang kabuuang P0.682 kwh mula Abril hanggang Agosto. Sa gayon, mula Abril ay umaabot na sa P157.70 ang dagdag na bayarin sa kuryente ng mga kumukonsumo ng 200kwh kada buwan at P393.75 para sa mga kumokunsumo ng 500kwh kada buwan.

AB: Dagdag singil ng Meralco, ipinababasura