Balita

Panibagong kaso ng pagdukot sa Albay, ikinabahala

Lubhang ikinabahala ng grupong Karapatan ang panibagong kaso ng pagdukot na naiulat sa Tabaco City, Albay noong Agosto 28. Sa natanggap na ulat ng grupo, dinukot ang 66-anyos na si Felix Salaveria Jr na aktibong kasapi ng Cycling Advocates (CYCAD). Ilang araw lamang ito matapos dukutin si James Jazmines noong Agosto 23.

Si Salaveria ay madalas na kasama ni Jazmines sa kanyang pagbibisikleta. Magkasama sila noong Agosto 23 nang ipinagdiwang ni Salaveria ang kanyang kaarawan. Ito na ang huling pagkakataong nakita si Jazmines.

Nagtapos si Salaveria sa San Beda High School at dating mag-aaral ng sosyolihiya sa University of the East sa Maynila. Nagsilbi siyang kasaping tagapagtatag ng mga grupong Tabak (Tunay na Alyansa ng Bayan Alay sa mga Katutubo) at Katribu (Kabataan para sa Tribung Pilipino) noong dekada 1980, na pawang nagtataguyod sa karapatan ng mga katutubo.

Nang manirahan sa Albay, naging tagapagtaguyod siya ng eco-waste management. Nakipagtulungan siya sa mga grupong nagtataguyod ng ganitong mga mithiin. Nagpanatili rin siya ng isang maliit na community garden sa kanyang tinutuluyan sa Barangay Cobo, Tabaco City.

Noong 2023, dumanas ng stroke si Salaveria na nagparalisa sa kaliwang bahagi ng kanyang katawan. Mula noon ay nagpagamot siya sa isang klinik sa Tabaco City.

Nananawagan ang Karapatan na buhay at ligtas na ilitaw si Felix Salaveria Jr at lahat ng iba pang mga biktima ng sapilitang pagkawala para muling makasama ng kanilang nag-aalalang mga pamilya.

AB: Panibagong kaso ng pagdukot sa Albay, ikinabahala