Pagbubukas ng klase sa mga unibersidad, sinalubong ng mga protesta
Daan-daang kabataan sa pribado at pampublikong mga unibersidad ang naglunsad ng mga protesta noong Agosto bilang pagsalubong sa pagbubukas ng klase. Itinampok nila sa mga pagkilos ang iba’t-ibang isyung pambayan at kahingian ng kabataan at mga estudyante sa rehimeng Marcos.
Pinangunahan ang mga pagkilos ng mga konseho ng mag-aaral at mga pambansa-demokratikong organisasyon ng mga kabataan.
Sa mga state universities and colleges (SUC), siningil nila ang rehimeng Marcos sa kaltas-pondo sa mga SUC sa panukalang badyet nito para sa 2025. Babawasan ni Marcos nang ₱14.48 bilyon ang badyet ng SUCs, o 11.29% kumpara sa badyet nito ngayong taon. Sa panukala, ₱113.75 bilyon ang ilalaan sa mga SUC sa susunod na taon, mas mababa sa ₱128.23 bilyon ngayong taon.
Binatikos din nila ang tumitinding komersyalisasyon sa kanilang mga paaralan na bunga ng kakulangan ng badyet at suporta ng gubyerno. Iniulat nila ang mga kaso ng pagtatayo ng establisimyentong komersyal sa mga kampus, pagpapaupa sa pampublikong lupa para sa negosyo at katulad pang mga hakbang.
Nagkaroon ng pagkilos sa University of the Philippines (UP) Diliman (Agosto 20), UP Baguio (Agosto 20), UP Manila (Agosto 19), UP Los Baños (Agosto 22), UP Cebu (Agosto 12), UP Visayas Miag-ao (Agosto 12), UP Tacloban (Agosto 27), at UP Mindanao (August 19). Nagprotesta rin ang mga grupo sa Pamantasan ng Lungsod ng Maynila (Agosto 19), Technological University of the Philippines-Manila (Agosto 27) at Bulacan State University (Agosto 12).
Sa mga pribadong unibersidad, inihayag ng mga konseho at grupo ang pagtutol sa pagtataas ng matrikula at iba pang mga bayarin. Naiulat ang mga protesta sa University of Sto. Tomas (Agosto 9), Ateneo de Manila University (Agosto 9), Far Eastern University (Agosto 12), at Saint Louis University (Agosto 12).
Sa mga pagkilos na ito, idiniin ng kabataang estudyante ang kahalagahang itaguyod ang akademikong kalayaan. Naninindigan sila laban sa anumang bantang panunupil ng rehimeng Marcos at armadong pwersa.
Binatikos nila ang panghihimasok at pakikialam ng militar at pulis sa mga unibersidad na anila ay banta sa kanilang seguridad. Tinutulan din nila ang panukalang Mandatory Reserve Officers’ Training Corps (ROTC) na anila’y bahagi ng militarisasyon ng mga kampus.
Tinuligsa nila ang iba’t iba pang porma ng panunupil sa demokratikong mga karapatan ng mga estudyante, kabilang ang mga patakarang ipinatutupad ng mga mapaniil na “handbook” ng mga pamantasan.
Liban sa mga isyung pang-estudyante, itinampok rin nila ang panawagang wakasan ang henosidyo ng Zionistang Israel sa Palestine, pagtatanggol sa pambansang soberanya ng Pilipinas at pagsingil sa rehimeng Marcos sa patung-patong na mga paglabag sa karapatang-tao at krimen sa mamamayang Pilipino.
Nakatakda namang ilunsad ang mga kilos protesta sa iba pang unibersidad na magisismula pa lamang ang klase ngayong Setyembre tulad ng Polytechnic University of the Philippines.