Dalawang araw na pagbibisikleta para sa kalikasan, inilunsad

,

Dalawang araw na nagbisikleta ang mga tagapagtaguyod ng kalikasan mula Quezon City tungong Bataan noong Nobyembre 5 hanggang 6. Tinagurian ang karaban bilang ‘Bike for Clean Energy’ na nanawagang humanap ng renewable (o nakapanunumbalik) at malinis na alternatibong pagkukunan ng enerhiya sa bansa.

Pinangunahan ang naturang aktibidad ng mga grupong Kalikasan People’s Network, Agham at No to BNPP Revival. Bumyahe sila tungong Bataan Nuclear Power Plant (BNPP) sa bayan ng Morong.

Kasabay ng pagsisimula ng karaban tungong Morong, ilampung siklista rin ang nagbisikleta sa Elliptical Road sa Quezon City na nagtapos sa isang programa sa East Avenue. Tinalakay sa programa ang kahalagahan ng makatarungang pagtatransisyon palayo sa maruming enerhiya tungo sa isang demokratiko at malinis na eherhiya, gayundin, ang pagtutol sa muling pagbubukas ng BNPP.

Mahigpit na tinututulan ng mga organisasyon ang plano ng rehimeng Marcos II na paandarin sa BNPP dahil sa napakaraming anomalya ng planta. Noong panahon ng diktadura, higit 4,000 ang nakitang anomalya at sira sa pasilidad ng BNPP. Pagpapaliwanag pa ng mga grupo, nakatuntong ito sa isang fault line o lamat sa lupa at nasa ibaba ng isang ‘potensyal na aktibong bulkan,’ ang Mt. Natib.

Ayon pa sa kanila, hindi rin malinaw kung saan itatapon at iiimbaak ang basurang nukleyar, na 100,000 taon bago mabulok, dahil walang pasilidad ang bansa para rito.

Itinaon ang karaban at aktibidad bago ang pagtitipon ng UN Climate Change Conference (COP27) sa Sharm El-Sheikh, Egypt mula Nobyembre 6 hanggang 18.

AB: Dalawang araw na pagbibisikleta para sa kalikasan, inilunsad