Dalawang Pilipinong greencard holder, dinakip ng Customs and Border Protection ng US
Dalawang Pilipino na may hawak na greencard, ibig sabihin mga ligal na residente, ng US ang dinakip ng United States Customs and Border Protection (CBP) ngayong buwang ng Mayo. Nakilala ang mga biktima na sina Maximo “Max” Londonio at Rodante “Dante” Rivera.
Pauwi si Londonio, kasama ang kanyang asawa at anak galing sa kanilang bakasyon sa Pilipinas nang dakpin sya ng CBD sa Seattle-Tacoma International Airport noong Mayo 15. Ayon sa CBP, dinakip siya dahil sa nagawa niyang mga “nonviolent offense” nung kabataan niya.
Si Londonio, 42 taong gulang, may asawa at tatlong anak, ay lumipat sa US noong siya’y 12 taong gulang pa lamang. Limang taon na siyang nagtatrabaho sa Crown Cork & Seal Company sa Lacey bilang forklift driver at kasalukuyang nangunguna na myembro (lead member) ng kanilang unyon na International Association of Machinists and Aerospace Workers (IAMAW).
Si Rivera, 44 taong gulang, ay dinakip rin ng CBD sa SeaTac Airport noong Mayo 18 dahil nahatulan siyang nagkasala sa isang kasong mahigit isang dekada na at matagal nang naresolba.
Umabot ng limang araw na nakaditine si Londonio sa holding area ng CBD na tinagurauang “blackbox” bago siya inilipat sa Northwest ICE Detention Center sa Tacoma. Si Rivera ay kasalukuyan pa ring nakadetine sa holding area ng CBD.
Ang CBP holding area ay tinaguriang “black box” dahil sa sikretong detensyon nito ng mga imigrante. Walang bintana ang mga kwarto sa mga bartolina nito. Ang mga detenido dito ay hindi binibigyan ng serbisyo sa kalusugan, sapat na pagkain at ibang mga pangangailangan. Wala ring karapatan ang mga nakadetine na tumawag, kahit sa kanilang abogado.
Ayon kay Crystal, asawa ni Londonio, minsan daw ay nakakalimutan ng mga ahente ng CBD na bigyan ng pagkain si Londonio. Madalas ay nudels lamang ang ipinapakain sa kanya at kung ayaw niya ay obligado siyang bumili ng sariling pagkain mula sa SeaTac Airport. Kailangan niya ring magpaalam para lang maligo. Ang pinakamalala, hindi alam ng ahente na kausap ng Tanggol Migrante at ni Crystal na matagal nang nakadetine si Londonio sa kanyang pasilidad.
Sa kasalukuyan, hindi bababa sa apat na Pillipino na green card holder ang nakakulong sa Northwest Detention Center sa Tacoma ayon sa Tanggol Migrante.
Naglunsad ng piket ang Tanggol Migrante, mga kaibigan at kapamilya ni Londonio noong Mayo 19 sa labas ng SeaTac Airport upang kundenahin ang pagdakip dito.
“Isa akong US citizen, binigo nyo ako. Ang US ay dapat nagpapakita ng magandang halimbawa para ang susunod na henerasyon ay magkaroon ng mas maraming oportunidad, dahil un ang “american dream”. Pero hindi un ang nangyayari. Kinukuha na sya mula sa lahat ng naghahanap ng makakanlungan, sa lahat ng naghahanap ng kalayaan” pahayag ni Crystal, asawa ni Londonio sa piket.
“Nagagalit kami sa hindi pag aksyon agad ng gubyerno ng Pilipinas para ipaglaban na makalaya si Max. Pakiramdam ni Crystal na binigo sya ng gubyerno ng US, nakakahiya na pati gubyerno ng Pilpinas ay binigo rin sila,” saad ni Jo Faralan ng Tanggol Migrante.
Nagpahayag naman ng suporta ang IAM union sa laban ni Londonio at nakipagtulungan sa kumpanya nito upang tiyakin na hindi sy matanggal sa trabaho at sa mga alyadong nitong organisasyon para manawagan sa kanyang paglaya.
“Tulad ng nakakarami sa buong bansa, ang ating kapatid sa IAM Union na si Maximo ay nagsisikap lamang na maging mabuting asawa at ama upang mataguyod ang kanyang pamilya. Sa aming pagkakaalam, walang ebidensya ang makaka supporta sa patuloy na detensyon ng gubyerno ng US kay Maximo. Nananawagan kami sa kanyang agarang paglaya. Ang aming unyon ay parang pamilya- at titindig kami tuwing may myembro kami na nalalabag ang kanyang karapatan bilang tao.”saad ni Robert Martinez, General Vice Presidente ng IAM Union Western Territory.
Nagpahayag naman ng pagkabahala ang namamahala sa Port fo Seattle hinggil sa pag ka-ditine ni Londonio, at agad na nag inspeksyon sa operasyon ng CBP sa international arrivals facilities sa SeaTac Airport upang unawain ang polisiya at protocols nito. Nangako naman sila na patuloy na makikipag ugnayan sa CBD upang masubaybayan pano napapatupad ang mga polisiya sa imigrasyon sa kanilang pasilidad.
Nagpahayag ang embahada ng Pilipinas at mga konsulado sa US na nagbibigay sila ng “nararapat na tulong, ngunit ayon sa Tanggol Migrante hindi sapat ang kanilang ginagawa.
Nagpadala ang Tanggol Migrante ng bukas na liham na pinirmahan ng mahigit 100 organisasyon kina Neil Ferrer, Consul General ng San Francisco at kay Jose Manuel Romualdez, ambasador ng Pilipinas para manawagan ng higit na pananagutan mula sa kanila.
Nagpahayag ng pagkundena ang Bayan-Washington sa lantarang kapabayaan ng Embahada ng Pilipinas at mga konsulado sa kalagayan ni Londonio at kanyang pamilya.
“Bilang bahagi ng Tanggol Migrante Network, buo kaming sumusporta para sa laban ni Kuya Max at kanyang pamilya na obligahin si Jose Romualdez, bilang ambassador ng Pilipinas na mangialam at gumamit ng diplomatic pressure para matiyak na agad na makakalaya si Kuya Max!”