Deadlock sa negosasyon ng CBA sa PhilFoods, kinundena ng unyon

,
Ang artikulong ito ay may salin sa English

Muling nagprotesta ang mga manggagawa ng PhilFoods Fresh Baked Product Inc sa National Conciliation and Mediation Board (NCMB) Region IV-A sa Calamba, Laguna noong Abril 24 para kundenahin ang pagtanggi ng kapitalista ng PhilFoods na ibigay ang dagdag sahod at mga benepisyong hinihingi nila sa kanilang Collective Bargaining Agreement (CBA).

Dinala ng Unyon ng mga Panadero sa PhilFoods Fresh Baked Product Inc. (UPPFBPI-OLALIA-KMU) ang negosasyon sa NCMB Region IV-A kasunod ng deadlock o pagtanggi ng kapitalista na tugunan ang kanilang kahingian.

Sinimulan ang negosasyon para sa CBA noong Enero. Matatandaang bago ang upisyal na pagsisimula ng negosasyon ay labis nang inantala ng maneydsment ang proseso sa pagtangging makipagkasundo sa simpleng “bargaining ground rules” na gagamiting gabay sa negosasyon.

Anang grupo, sa kabila ng kanilang paghihirap sa pagawaan ay “nananaig pa rin ang kabulukan, sobrang pagkabarat at pagbibingi-bingihan ng kapitalistang PhilFoods.” Anila, makatarungang dagdag-sahod at sapat na mga benepisyo lamang ang hinihingi nila para makaagapay sa nagtataasang presyo ng batayang mga bilihin subalit nananatiling manhid ang kumpanya.

Sa pag-aaral ng Ibon Foundation, tinatayang kinakailangan ng P1,123 na family living wage o nakabubuhay na sahod para sa lima-kataong pamilya sa Region IV-A. Samantala, nakapako sa P520 ang minimum na arawang sahod sa rehiyon.

Noong Setyembre 2023 lamang nanalo ang UPPFBPI-OLALIA-KMU sa eleksyon sa sertipikasyon para katawanin ang mga manggagawa ng pagawaan. Nakakuha ng 295 na boto ang unyon sa kabuuang 341 bumoto sa eleksyon, habang 25 boto ang nakuha ng katunggaling unyon.

Ang PhilFoods Fresh Baked Product Inc ay kapatid na pagawaan ng Gardenia Bakeries na gumagawa ng tinapay para sa Gardenia, isang kumpanyang multinasyunal. Ang pagawaan ng PhilFoods ay matatagupuan sa LIIP Avenue, Barangay Mamplasan, Biñan, Laguna.

AB: Deadlock sa negosasyon ng CBA sa PhilFoods, kinundena ng unyon