Balita

Defend Migrants Alliance, inilunsad sa US

, ,

Sa temang “Migrants build strength and hope! Resist fascist attacks, exploitation, and oppression! End Forced Migration!”, nagtipun-tipon ang humigit-kumulang 500 aktibista mula sa halos 100 organisasyon mula sa US at sa ibang bansa na nagsusulong ng karapatan ng mga migrante at mamamayan para sa Defend Migrants Political Conference and Mobilization na ginanap noong Agosto 30 hangang 31, sa Portland, Oregon. Pinangunahan ng International Migrants Alliance-US (IMA-US) at Tanggol Migrante Movement (TMM) ang aktibidad.

Layunin ng aktibidad pagtibayin at patatagin ang pagkakaisa ng mga komunidad sa US at patatagin ang kilusan ng mamamayan upang mapagtanggol ang mga migrante mula sa pasistang pang-aatake.

Sa aktibidad, tinalakay ang epekto ng anti-migranteng patakaran ng rehimeng Trump sa komunidad ng mga migrante sa US at sa buong mundo at pagpapangot sa sariling gubyerno ng mga migrante sa pagpapabaya sa sarili nilang mamamayan. Nagbahagi rin ng mga aral sa mga kampanyang inilunsad para ipagtanggol ang mga migrante mula sa detensyon at deportasyon.

Sa huling araw ng kumperensya, itinatag ang Defend Migrants Alliance, para buuin ang pagkakaisa at alyansa na iba’t ibang organisasyon ng mga migrante sa US. Nananawagan ang alyansa sa gubyerno ng US at sa kani-kanilang pinanggalingang mga gubyerno na lutasin ang ugat ng sapilitang migrasyon.

Sa araw ng paggawa sa US noong Setyembre 1, naglunsad ng pagkilos sa labas ng NorthWest ICE Processing Center sa Tacoma, Washington sa pangunguna ng IMA, kasama ang TMM, La Resistencia at iba pang organisasyon ng mamamayan upang ipanawagan ang pagtigil sa di makataong pagtrato sa mga nakakulong sa mga pasilidad ng ICE, pagtugis sa mga migrante at di makatwirang deportasyon. Kabilang din sa dumalo ang mga aktibista na dumalo sa kumperensya. Umabot sa 850 ang lumahok sa pagkilos.

AB: Defend Migrants Alliance, inilunsad sa US