Demolisyon sa komunidad sa Laguna, binatikos ng grupo ng maralita
Kinundena ng Kalipunan ng Damayang Mahihirap-Southern Tagalog (Kadamay-ST) ang bantang demolisyon ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa kabahayan sa NIA Road Purok 7 sa Barangay Pooc, Sta. Rosa, Laguna. Ang demolisyon ay sinasabing magbibigay daan sa road concreting project ng ahensya. Itinakdang isagawa ito simula Nobyembre 18.
Ayon sa mga upisyal ng Barangay Pooc, itutuloy na ng DPWH ang naantalang proyekto sa barangay kaya gigibain ang 12 bahay kada linggo. Mapalalayas nito ang daan-daang mga residente na walang tiyak na relokasyon.
Ayon sa Kadamay-ST, pinuntahan ng mga residente noong umaga ng Nobyembre 18 ang mga upisyal ng barangay para makipagdayalogo. Hindi humarap sa mga residente ang kapitan at mga upisyal. Kumalat pa ang balita na sinisisi ng mga upisyal ang mga residente dahil hindi naghanda para sa demolisyon.
Nakipagdayalogo rin ang mga residente Santa Rosa City Urban Development and Housing Office (CUHDO) sa araw na iyon. Itinanggi ng lokal na ahensya na mayroong nakatakdang demolisyon. Dumistansya rin ang ahensya dahil wala silang maibibigay na relokasyon para sa mga mapapalayas laluna at pambansang ahensya ng DPWH ang nasa likod ng proyekto.
Ayon sa grupo, ilang beses na rin lumapit ang komunidad kay Sta. Rosa Mayor Arlene Arcillas para sa dayalogo. Katulad ng ibang upisyal, walang malinaw na tugon ang meyor.
Nanawagan ang Kadamay-ST ng suporta at pakikiisa mula sa iba’t-ibang mga organisasyon at sektor upang pigilan ang demolisyon at protektahan ang mga komunidad at mamamayan sa NIA Road. Nagpahayag ng suporta sa kampanya ng maralitang komunidad ang Bayan Muna Southern Tagalog.