Balita

Desisyon ng Korte Suprema laban sa iligal na pangrerekisa, kinilala ng mga tagapagtanggol sa karapatang-tao

,

Kinilala ng mga grupo at abugado sa karapatang-tao ang desisyon kamakailan ng Korte Suprema na nagpatibay sa konstitusyunal na karapatan laban sa iligal na pangrerekisa at pagkumpiska (unlawful search and seizure). Ayon sa desisyon, dapat nakalagay sa search warrant ang eksaktong lugar na hahalughugin. Kung wala ang impormasyong ito, maituturing na “general warrant” ang isang kautusan, at sa gayon ay labag ito sa konstitusyon.

“Ang desisyong ito ay napakahalaga laluna bantog ang mga pwersa ng estado, kabilang ang mga husgadong walang prinsipyo, sa paglabag sa karapatang ito sa pamamagitan ng paglalabas at paghahain ng mga search warrant sa mga aktibistang target nilang gipitin,” pahayag ni Cristina Palabay, secretary general ng Karapatan.

Kabilang sa mga husgadong ito si Judge Jason Zapanta, na naglabas ng search warrant laban kay Erlindo Baez, isang lider-magsasaka, nang hindi man lamang nag-usisa sa mga pulis na humingi nito. Isa pa si Judge Cecilyn Burgos-Villavert, na tinaguriang “pabrika” ng mga depektibong mandamyento.

Kabilang sa mga mandamyentong ito ang ginamit sa pangrerekisa sa upisina ng Bayan-Manila sa Tondo noong 2019. Ayon sa Karapatan, ang address na nakasaad sa warrant Barangay 183 pero ang nireyd ng mga pulis na upisina ay nasa Barangay 178. Gayundin, nakapangalan lamang ang warrant kay Ram Carlo Bautista, ang kampanyador ng Bayan-Maynila, pero nirekisa at kinumpiska pati ang gamit nina Alma Moran at Reina Mae Nacino. Silang tatlo ay inaresto sa gawa-gawang kaso. Matapos ang limang taong pagkakabilanggo, ibinasura ng korte ang kaso laban sa tatlo noong nakaraang taon.

“Bilang isang organisasyon na humarap sa maraming kasong may kaugnayan sa gawa-gawang kaso ng illegal possession of firearms, ammunition at eksplosibo–mga kasong naisampa dahil sa itinanim na ebidensya–kinikilala namin ang kritikal na kahalagahan ng istriktong pagpapatupad ng mga konstitusyunal na pamantayan sa paglalabas ng mga search warrant,” pahayag ng National Union of People’s Lawyers. “Inaasahan naming masinsing maipatutupad ang desisyong ito.”

Ang naturang desisyon ay kaugnay sa isang kaso ng pag-aresto ng isang suspek ng Philippine Drug Enforcement Agency noong 2017, kung saan ang nakalagay lamang sa search warrant ay “Informal Settler’s Compound” sa isang barangay sa Quezon City, at hindi ang address ng suspek. Sa gayon, ipinawalambisa ng Korte Suprema ang pag-aresto ng suspek na kunwa’y nakuhanan ng iligal na droga nang hinalughog ang kanyang bahay.

Ayon sa Korte Suprema, masyadong malawak ang nakalagay sa mandamyento na “compound.” Gayundin, sinabi ng korte na maaari lamang pwersahang pumasok ang mga ahente ng gubyerno sa target nilang halughugin kung naipresenta sa suspek ang search warrant at tumanggi ito, para iwasan ang posibleng karahasan na maaaring sumiklab mula sa isang “unannounced entry” o walang pagpapaalam na pagpasok.

AB: Desisyon ng Korte Suprema laban sa iligal na pangrerekisa, kinilala ng mga tagapagtanggol sa karapatang-tao