Balita

DPWH, pinanagot sa pagguho ng tulay sa Isabela

Pinanagot ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas ang Department of Public Works and Highways (DPWH) at ang dating kalihim nitong si Mark Villar sa pagguho noong Pebrero 27 ng Cabagan-Santa Maria Bridge sa Isabela. Naganap ang insidente 26 araw lamang matapos itong buksan noong Pebrero 1.

“Hindi simpleng aksidente ang trahedyang ito. Isa itong trahedya ng katiwalian! Isang dekadang itinayo ang tulay, ginastusan ng bilyun-bilyon, pero bumagsak lang nang wala pang isang buwan mula nang buksan? Patunay na walang dekalidad at maayos na imprastruktura ang DPWH!” ayon kay Danilo Ramos, tagapangulo ng KMP at kandidato pagkasenador ng Koalisyong Makabayan.

Gumuho ang tulay matapos dumaan dito ang isang trak na may kargang 100-toneladang bato. Hanggang 44 tonelada lamang ang kapasidad ng tulay. Anim ang nasugatan sa insidente, kabilang ang isang batang cancer survivor na nagtamo ng malubhang pinsala ng buto sa kanyang kaliwang binti. Ang iba pang mga biktima ay nagtamo ng mga sugat at pinsala sa buto na nangangailangan ng operasyon.

Sinimulang itayo ang tulay noong Nobyembre 2014, natapos noong 2021 pero nangailangan ng huling retrofitting o pagkukumpuni sa unang bahagi ng 2025. Ginastusan ang konstruksyon nito ng ₱1.225 bilyon at dagdag na ₱274.8 milyon para sa retrofitting. Nang gumuho ang tulay, agad na ibinunton ang sisi sa drayber ng track at sa flagman na nagpahintulot sa kanya na dumaan.

Sa harap nito, nagsampa ng resolusyon ang progresibong kongresista para imbestigahan ng Kongreso ang mga dahilan ng pagbagsak ng tulay—mula sa kontratista na RD Interior Jr Construction hanggang sa mga upisyal ng Department of Public Works and Highways na nag-apruba at namuno sa konstruksyon ng proyekto.

“Nakakagulat na ang isang tulay na nagkakahalaga ng ₱1.22 bilyon na bago lamang na-retrofit…ay bigla na lang bumagsak. Hindi ito simpleng aksidente o kawalan ng pag-iingat. Kailangan nating suriin ang posibilidad ng korapsyon at substandard na mga materyales,” pahayag ni France Castro, kinatawan ng ACT Teachers Party at kandidato pagkasenador ng Koalisyon Makabayan.

Aniya, hindi dapat ang flagman at maliliit na tao lamang ang sinisisi, dapat managot rin ang matataas na upisyal na nakinabang sa proyekto.

AB: DPWH, pinanagot sa pagguho ng tulay sa Isabela